Abante Tonite Interactive

81st UAAP season, sino ang tatalo sa Ateneo?

By
1,786

Napanood natin ang laro ng Ateneo de Manila basketball team sa William Jones Cup na kasalukuyang ginaganap sa Taipei.

Ako’y nagulat sa kanilang pag-unlad bilang isang koponan na sobrang preparado.

Kung natatandaan natin, ang koponan ng Ateneo ay naging kampeon noong nakaraang taon, at naalala natin na tinalo nila ang De La Salle University kahit kasama ang Cameroonian player na si Ben Mbala at ang magaling na manlalaro na si Ricci Rivero.

Si Mbala ay nakauwi na sa kanyang bansa, at si Ricci Rivero naman ay lumipat na sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) sa ilalim ng kanyang bagong coach na si Bo Perasol.

Sa kasalukuyang torneo sa William Jones Cup sa Taipei, tinambakan ng Ateneo ang Chinese Taipei Team B. Napakaganda ng laro ng Ateneo dito. Noong nakalaban naman nila ang koponan ng South Korea ay natalo ang Ateneo ng 17 puntos.

Hindi naman nakakahiya itong talo na ito kasi kalaban nila ang national team ng South Korea, na ang coach ay si dating South Korea superstar noong dekada ‘90 na si Hur Jae.

Ngunit ang pinakamagandang laro na napanood natin ay ang laro ng Ateneo kontra Canada. Sa first half ng laro, rumatsada ang Canada at lumamang ito ng halos 30 puntos.

Ngunit noong se­cond half ng laro, gumamit si Ateneo coach Tab Baldwin ng man to man defense at pressure defense from the back court, at dito nagkaroon ng maraming turnover ang mga manlalaro ng Canada.

Nakabalik ang Ateneo at kamuntik na nilang matalo ang Canada.

Bumaba ang ungos hanggang 6 puntos na lamang, mga 2 o 3 minuto na lang sa laro. Hanga ako sa ipinakita ng Ateneo. Hanga rin ako sa kanilang coach na si Tab.

***

Makakalaban pa ng Ateneo sa mga susunod na araw ang Japan, Indonesia, Chinese Taipei-Team A at Iran. Napakagandang preparation ito sa darating na torneo ng UAAP, na susubukang sungkitin ang back to back championship.

Bago sumabak ang Ateneo sa Jones Cup, pinadala din sila sa bansang Greece para sa kanilang preparation, at dito nila nakalaban ang iba’t ibang koponan sa Greece.

Sa basketball, ika nga nila, “It is not the composition but the preparation that counts.” Hindi kaila­ngan ang mga superstar, ang importante ay ang preparation.