Abante Tonite
Mabilis sa Balita

9 LSI sa Rizal Stadium virus positive

0 321

Siyam na locally-stranded individual (LSI) sa Rizal Memorial Stadium sa Maynila ang nagpositibo sa rapid test para sa COVID-19, ayon kay Presidential Management Staff (PMS) Assistant Secretary Joseph Encabo na siyang lead convenor ng `Hatid Tulong’ program ng gobyerno.

Sinabi ni Encabo sa panayam sa radyo nitong Lunes na kaagad nang inilagay sa isolation facility ang mga nagpositibo at isinailalim sa confirmatory swab test.

Natukoy na rin aniya ang mga nagkaroon ng close contact sa mga LSI na nagpositibo sa rapid test at inabisuhan na ang mga local government unit sa mga probinsya na pupuntahan ng mga ito.

Ang mga magpopositibo aniya sa confirmatory swab test ay dadalhin sa quarantine facility. Papayagan namang bumiyahe ang negatibo sa swab test matapos ang pagsusuri ng doktor.

Inamin ni Encabo na naging mahirap ipatupad ang physical distancing sa loob ng stadium nitong weekend matapos na dumagsa ang mga LSI gayundin ang mga walk-in na gustong makauwi na rin sa kanilang mga probinsya.

Gayunman, sa Laging Handa briefing nitong Lunes ng tanghali, sinabi ni Encabo na inayos na nila ang sitwasyon at nagsagawa na rin ng ebalwasyon para mapabuti pa ang sistema ng `Hatid Tulong’ matapos makatikim ng mga pagpuna sa publiko. (Riz Dominguez/Juliet de Loza-Cudia)

Leave A Reply

Your email address will not be published.