Abante Tonite Interactive

9 mistah sa PMA naaksidente sa STAR Tollway, 1 patay

1,270

Patay ang isang babaeng miyembro ng Philippine Air Force at bagong graduate lang sa Philippine Military Academy (PMA) matapos na maaksidente ang sinasakyang multi-purpose vehicle (MPV) sa STAR Tollway sakop ng Barangay Sambat, Tanauan City, Batangas noong Huwebes nang gabi.

Sugatan din ang walo pang sakay ng MPV na mga PMA graduate din.

Kinilala ng Tanauan City Police ang nasawi na si 2nd Lt. Karen Lei Cunanan na dineklarang dead on arrival sa CP Reyes Medical Center sa Tanauan City.

Nasugatan naman ang mga second lieutenant din na sina Kayl Calanno, Paulo Miguel Salcedo, Neil Jessie Licuben, James Daryl Ligutan, Richard Magabo, Jared Nicolasora, at James Benedict Doranco na magkaklase sa PMA ‘Mabalasik’ Class of 2019.

Ayon sa report, ang mga biktima na kumukuha ng Basic Air Force Officer Course (BAFOC) ay sakay ng isang Mitsubishi Xpander patungo sa San Fernando Airbase sa Lipa City galing sa Villamor Airbase sa Pasay City nang maganap ang aksidente sa southbound lane ng STAR Tollway sakop ng Brgy. Sambat pasado alas-otso nang gabi.

Nawalan umano ng kontrol sa manibela ang nagmamaneho sa MPV kaya nagpagewang-gewang ang sasakyan hanggang sa tumaob sa gitna ng highway. (Ronilo Dagos)