Abante Tonite
Mabilis sa Balita

9 napatay sa Capiz, mga terorista – PNP

0 84

Iginiit ng Philippine National Police (PNP) kahapon na ang siyam na napatay na indigenous people (IP) sa isang police at military operation sa Capiz nitong Miyerkules ay mga miyembro ng New People’s Army (NPA).

Sa panayam kay PNP Spokesperson Police Brig Gen. Ildebrandi Usana, ang operasyon ay isinagawa matapos ang intelligence investigation.

“Ito po ‘yung sinasabi natin na na-infiltrate po kasi ng communist terrorists ang mga grupo ng mga indigenous people,” pahayag ni Usana sa isang panayam sa radyo nitong Linggo.

Matatandaang nitong Miyerkules ay siyam na pinaghihinalaang mga teroristang New Peoples Army (NPA) ang napatay sa Tapaz, Capiz sa isinagawang sabayang pagsisilbi ng search warrant laban sa mga ito sa Panay Island.

“Kahit sa kanilang mga pagpapahayag na sila’y mga tribal leaders, when in fact, mismo ‘yung mga witnesses na nakakakilala sa kanila ang nagsasabi na sadya talagang nasa panig sila ng mga kalaban, mga communist terrorist,” dagdag ni Usana.

Paliwanag pa ng opisyal, nag-apply ng search warrant sa korte ang pulisya para sa isinagawang operasyon base na rin sa salaysay ng mga saksi na nag-ooperate sa nasabing lugar ang mga armadong terorista.

Itinanggi naman ng grupong Pamangas na mga terorista ang mga napatay kundi ang mga ito ay mga miyembro ng Tumandok IP na walang mga armas at tahimik umanong namumuhay sa kanilang lugar. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.