Abante Tonite
Mabilis sa Balita

9 pulis nginuso sa Calbayog mayor ambush

0 112

ni Nancy Carvajal

Nasa 293 bala ng iba’t ibang kalibre ng baril ang ipinutok ng mga pulis na suspek sa pananambang kay Calbayog City Mayor Ronaldo Aquino noong Marso, ayon sa National Bureau of Investigation (NBI).

Sa isang 68 pahinang ulat ng NBI, may 53 testigo ang ininterbyu ng ahensiya kaugnay sa insidente kung saan ilan ang nagsabing personal umano nilang nakita kung paano kumilos na tila planado at kontrolado ang galaw ng mga armadong lalaki sa 20 minutong pananambang.

“When the first four persons firing at the [Toyota] HiAce were through firing, or runs out of ammunition, they would retreat to their two vehicles, and another batch, numbering three or four, would advance and again fire at the [Toyota] HiAce,” ayon sa NBI report batay sa salaysay ng mga testigo.

Noong Hunyo 10, sa utos ni NBI Director Eric Distor, nagsampa ang ahensiya ng mga kasong murder at frustrated murder laban sa mga opisyal ng pulisya na kinilalang sina Lt. Col Harry Sucayre, Maj. Shyrile Tan, Capt. Dino Goles, Lt. Julio Armeza Jr., Senior Sgt. Neil Cebu, Senior Sgt. Edsel Omega, Patrolman Nino Salem, Corporal Julius Garcia at Sgt. Randy Merelos sa Department of Justice (DOJ) kaugnay ng pagkamatay ni Aquino at tatlong iba pa.

Sinasabing dahil sa mga video footage at testimonya ng mga saksi, kabilang ang ibang pulis ng Region 8, ay natukoy ang mga pulis na umano’y sangkot sa pagpaslang sa alkalde. Ang grupo umano ni Sucayre ay natukoy ng mga police officer ng Camp Cara.

“Police officers at Camp Cara made the same description, minus the bonnets of the outfit of their ‘Tropa’ who arrived at their camp and sought reinforcements, as those described by the witnesses at the riprap,” ayon sa report.

SM food to go Banner Ad

Nabatid din na inilarawan ng mga testigo sa crime scene ang mga suspek na nakasuot ng mga damit na katulad ng police uniform.

“Lahat po sila ay may takip sa ulo o may bonnet. ‘Yong iba naman nakasombrero pa maliban sa bonnet o takip ang mukha. Lahat po sila ay nakapantalon na parang fatigue uniform ng mga pulis. At ‘yong iba naman ay mayroon pa na parang holster ng baril sa may hita. Ang pang-itaas naman nila ay halos lahat sila naka-parang long sleeves o jacket,” lahad pa umano ng mga testigo.

Sabi ng mga testigo, tumigil lang sa pamamaril ang mga armadong lalaki nang may isang lumapit sa sasakyan ng alkalde at sumigaw ng, “Tama na, patay na.”

Sabi sa report, may natagpuang cellphone sa pinangyarihan ng ambush na sinasabing pagmamay-ari ng isa sa mga suspek. Lumabas sa phone na ang mga kilos ni Aquino ay masusi na umanong sinusubaybayan ng grupo simula pa noong Oktubre 2020.

Apat ang patay sa pananambang: si Aquino, ang kanyang driver, isang security, at isang motorista sa hiwalay na sasakyan. Sugatan naman ang assistant ng yumaong alkalde.

Ang sibilyang si Clint Yauder na nasa tulay din nang mangyari ang putukan ay pumanaw sa ospital dahil sa mga tama ng bala.

Leave A Reply

Your email address will not be published.