Abante Tonite Interactive

9 sa jeep sinalpok ng 72-anyos na SUV driver

367

Siyam-katao kabilang ang tatlong babaeng estudyante ang sugatan nang mabangga ang sinasakyan nilang pampasaherong jeep sa isang Mitsubishi Montero SUV kahapon sa Parañaque City.

Agad na isinugod sa Ospital ng Parañaque ang nasugatang sina Ariel Santing Vidal, 37; driver ng jeep, Dino Agdaupe Peras, 28; Shania Santiago, 13, Hazel Tumesa Balbarono, 17 Mary Ann Padit Rivera, 20; pawang mga estudyante, Eduardo Ruado Blancaflor, 50; Ramon Villanueva Magnifico, 43; Leticio Sapdin Relox Jr., 43 at Carolina Garcia Aldaba, 61, pawang pasahero ng jeep.

Agad namang sumuko sa mga awtoridad ang driver ng Mitsubishi Montero na may plakang ZSN-979 na si Juan Dones de Zuñiga Jr., 72.

Sa imbestigasyon ng Parañaque Traffic Enforcement Unit, alas-otso ng umaga nang maganap ang insidente sa Dr. Arcadio Santos Avenue, Sucat Road.
Ayon kay P/Col. Rogelio Rosales Jr. hepe ng Parañaque City Police, sakay ang mga biktima sa isang pampasaherong jeep na minamaneho ni Ariel Santing Vidal nang salpukin sila ng Montero ni Zuñiga Jr.

Bukod dito, nabangga rin ng nasabing sasakyan ang isang bisikleta kung saan sakay dito si Peras na pumailalim sa Montero.

Nadamay din sa nasabing banggaan ang isang Mitsubishi Lancer na minamaneho naman ni Raul Santiago, 77-anyos.

Ayon kay Rosales, posibleng nawalan ng preno ang Montero hanggang sa bumangga ito sa nasabing jeep at sa isa pang sasakyan. (Armida Rico)