Abante Tonite Interactive

9 tulak nalambat sa QC

488

Arestado ang siyam tulak sa 24 oras na anti-illegal drugs operation ng mga pulis sa Quezon City.

Nakilala ang mga suspek na sina Bimbo Pelejotes, 50; Daniel Gonzales, 25; Ronald Mcdonald, 35; Francis Ponce, 32; Jerry Lioba, 39; Roberto Caro, 49; Jaime Sanchez, 46; Ronnie Sendin, 36 at Erick Samijon, 31.

Ayon kay Quezon City Police District director Police Brig. Gen. Ronnie Montejo, nasakote ang mga suspek ng mga operatiba ng District Drug Enforcement Unit at mga Station Drug Enforcement Unit sa magkakasunod na buy-bust operation.

Sabi ni Montejo, mismong mga residente ng Quezon City ang nagbibigay na ng impormasyon sa mga awtoridad dahil sa ayaw pa rin tumigil sa pagbebenta ng iligal na droga ang mga suspek.

Nasa 275 plastic sachet na naglalaman ng shabu na umaabot sa P600,000 ang kabuuang halaga at iba’t ibang drug paraphernalia ang nasamsam sa mga suspek. (Dolly Cabreza)