Abante Tonite Interactive

98 timbog sa vaping, 812 vape store pinadlak

160

Umaabot sa 98 katao ang naaresto sa pagggamit ng mga ‘vape’ o e-cigarette sa mga pampublikong lugar habang 812 namang vape store ang naipasara, base sa ulat ng National Capital Region Police Office (NCRPO) mula nito lamang Nobyembre 23 hanggang Disyembre 10.

Sa press briefing sa Quezon City, sinabi ni NCRPO acting director Police Brig. Gen. Debold Sinas, kinumpiska din sa naarestong 98 katao ang kanilang mga ‘vape gadget’, habang 812 naman ang ipinasarang mga tindahan na nagbebenta nito dahil sa kakulangan ng permit habang 297 store ang pinagbawalan at inutusang magsara nang walang maipakitang kaukulang mga dokumento.

Nagbabala naman si Sinas sa mga patuloy na gagamit ng ‘vape’ sa mga pampublikong lugar na kanila itong aarestuhin.

Base sa direktiba ni Philippine National Police (PNP) officer-in-charge Police Lt. Gen. Archie Gamboa, ang mga naaresto sa ‘vaping’ ay kaila­ngang dalhin sa mga police station at i-record sa police blotter bago palayain.

Ang mga pag-aresto ay kasunod nang kautusan ng Pa­ngulong Rodrigo Duterte na ipagbawal ang paggamit ng ‘vape’ sa mga pampublikong lugar at importasyon nito, dahil maituturing aniya itong mapanganib at nakalalason.

(Dolly Cabreza)
Nito lamang nakaraang araw ay nilinaw ni House Committee on Ways and Means chairman Joey Salceda na ipinapatupad na ang ‘import ban’ sa vapes sa iba’t ibang “trade barriers” sa bansa.
Sa Ninoy Aquino International Airpot (NAIA) pa lamang ay ipinagbabawal na ang pagpasok ng mga vape imports dahil sa wala silang permit mula sa Food and Drugs Administration (FDA).