Abante Tonite Interactive

Aanhin ang batas kung ‘di naipatutupad

6

Aligaga na naman ang Metropolitan Manila Development ­Authority (MMDA) sa panibagong nakaatang na tungkulin kaugnay ng pagpapatupad sa Anti-Distracted Driving Law.

Ang batas na ito ay nagbabawal sa mga nagmamaneho na gumamit ng gadgets katulad ng telepono habang nasa manibela.

Saklaw din nito ang lahat ng klase ng transportasyon sa kalsada, katulad ng mga pampasaherong mga sasakyan, pampribadong sasakyan, pang-gobyernong sasakyan, motorsiklo, tricycle, mga habal-habal, kuliglig, maging mga kutsero sa Metro Manila na nagbibiyahe ng mga turista.

Multang mula P5,000 hanggang P20,000 ang multang ipapataw sa mga lalabag sa batas na ito na epektibo na kahapon, Mayo 18 sa Metro Manila.

Kaya naman tiyak na hilong-talilong na naman ang mga tauhan ng MMDA sa pagtutok sa mga motoristang lalabag sa panibagong batas na ito na ipinaiiral sa mga motorista.

Mabuti sana ang batas na ito dahil napakarami talagang pasa­way na mga nagmamaneho. Mga walang takot sa paggamit ng cellphone at iba pang gadgets habang nakahawak sa manibela kaya naman kadalasan ay aksidente ang kinasasadlakan.

Sa panibagong batas na ito, maiiwasan na ang mga aksidenteng may kinalaman sa paggamit ng gadgets habang nagmamaneho.

Kanya nga lamang ang pinangangambahan natin sa batas na ito ay baka magmukha na namang display na ipinatupad pero hindi naman istriktong ipatutupad.

Gaano na ba karami ang batas na ipinaiiral natin sa mga motorista, sa kalsada?

Hindi na nga mabilang sa dami pero wala ring nangyayari. Hindi pa rin nito natutuldukan ang hangarin ng pagbuo ng batas dahil hindi naman nagiging sinsero at istrikto sa implementasyon ng mga batas na ito.

Sayang ang effort ng mga mambabatas kung wala namang kakayahan ang tanggapang naatasang magpatupad ng batas dahil sa kakulangan ng resources at political will na iimplementa ang mga ipinapasang batas.