Abante Tonite Interactive

Abad sa Batanes winakasan ng doktor

0 715

Isang medical doctor ang nakagawa ng isang bagay na inakala ng maraming Ivatan na imposibleng mangyari sa kanilang lalawigan sa Batanes.

Ito’y makaraang talunin ni Ciriaco ‘Jun’ Gato, Jr. ng Nationa­list People’s Coalition sa congressional race sa Batanes si dating Budget Secretary Florencio ‘Butch’ Abad.

Batay sa resulta ng bilangan mula Commission on Election (Comelec) transparency ser­ver alas-singko ng hapon Mayo 14, nakakuha si Gato ng 3,367 boto kumpara sa boto kay Abad na 3,129 mula sa datos ng 33 clustered precinct sa nasabing lalawigan.

Itinuturing na “David versus Goliath” ang tunggalian nina Gato at Abad sa congressional race dahil hindi ka­yang tapatan ng bagitong politiko na si Gato ang makinarya ni Abad sa Batanes.

Si Gato ay isang me­dical doctor bago pumasok sa politika. Kilala siya sa Batanes bilang ‘Doc Jun’ na regular na bumibisita sa kanilang probinsya para magsagawa ng medical mission sa mahihirap na kababayan.

“Umuuwi siya dito at least three-times a year to conduct free medical consultation for the less of fortunate people in the province,” ayon kay dating provincial board member Ramonito Imperial sa isang panayam sa telepono.

Dahil aniya sa panalo ni Gato ay nabuha­yan ng pag-asa ang mga Ivatan na magkakaroon na rin ng pagbabago sa Batanes.

“We really hope na simula na ito ng pagbabago sa buong lalawigan. Dekada rin ang hinintay namin para dito,” ayon pa kay Imperial. (JC Cahinhinan)