Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Abando, Letran dudurugin Mapua

0 32

Laro Ngayon: (FilOil Flying V Centre)
Game 1/ Best-of-3 Finals
3:00pm — Letran vs Mapua

“SANA malampasan namin ‘yung gusto nila at sana mas gustuhin naming manalo.”

Ito ang matinding hamon na dapat malampasan ng defending champion at undefeated Colegio San Juan de Letran Knights, ayon kay head coach Bonnie Tan, sa pagsisimula ng kanilang misyon na maipagtanggol ang titulo kontra sa gutom na Mapua University (MU) Cardinals para sa tinaguriang “Battle of Intramuros” ngayong hapon sa Game 1 ng best-of-three championship series sa FilOil Flying V Centre sa San Juan City.

Tinapos ng Letran Knights ang elimination at Final Four na walang talo sa 10-0, kung saan kabilang ang kapitbahay sa Muralla, Intramuros sa mga naging biktima sa paglamon rito sa 80-60 pagdurog noong Abril 8 sa DLSZ-St. Benilde Gymnasium – subalit naiiba umano ang sitwasyon para sa Letran dahil matagal silang nabakante para sa nakatakdang laban sa nag-iisang laro sa alas-3:00 ng hapon.

Nais mangyari ng Northport Batang Pier assistant coach na mapanatili ng kanilang mga manlalaro ang kagustuhang manalo na tiyak na pangungunahan ni leading Rookie of the Year at MVP contender Rhenz Abando, katulong sina 2019 Finlas MVP Fran Yu, Jeo Ambohot, Louie Sangalang, Brent Paraiso, Paolo Javillonar, Allen Mina, Christian Fajarito at Tommy Olivario.

Iniiwasan ni Tan na makuntento na lamang ang kanilang koponan sa pagiging top-ranked team at hindi na naisin pang makuha ang kanilang ika-19th kampeonato sa liga.

“Lahat ng teams pataas ang laro, sana kami ma-maintain namin ‘yung competitive level na gusto namin pero, I’m sure maraming result sa game na ito kung sino ‘yung mas gustong manalo. It will be a close game at defense is the key, ‘yun ang focal point ng serye,” pahayag ni Tan, na naghahanap ng kanyang ikalawang sunod na kampeonato.

Ayaw mangyari ng Letran chief tactician na magamit ng Mapua ang kanilang matinding kagutuman sa kampeonato na huling beses nakatikim ng titulo noong 1991.

Ito marahil ang magiging susi ng Mapua para itulak ang magandang laban sa serye na sa tingin niya’y magkakaalaman lamang sa kung sino ang mas gustong manalo.

“Yung scenario na ‘yung drought na pinag-uusapan nila na more than 3 decades na walang championship na talagang gutom na gutom, nagdadagdag ng pressure para sa team namin. Sana hindi kami nagkamali na we played our best in every game sa elimination na kahit na nasa top two nga ay gusto pa rin ng mga players na manalo. Sana lang hindi mag-back-fire sa amin ‘yung ginawa namin na we played or treat our games na championships na kahit nasa top 2 na kami ay ganun pa rin ‘yung mind setting namin,” paliwanag ni Tan.

Kinakailangan umanong bantayan ng Letran ang guard-oriented line up ng Mapua na tiyak na pagbibidahan nina Paolo Hernandez, Brian Lacap, Adrian Nocum at Jeric Pido, gayundin ang mga big men nito na sina team captain Warren Bonifacio, Toby Agustin at Arvin Gamboa.

“Dapat ma-limit at ma-check namin ‘yung scoring nila. Lahat puwedeng umiskor sa kanila,” panapos ng coach. (Gerard Arce)

Leave A Reply

Your email address will not be published.