Abante Tonite Interactive

Abangan ang SONA ni PDu30

125

Ngayon na magaganap ang kauna-unahang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte na pang ika-16 na Presidente ng bansa at kauna-unahan ding naging Pangulo mula sa Mindanao.

Kaabang-abang ang SONA ni Presidente Duterte ngayong araw dahil maraming pagbabagong ipinatupad dito kumpara sa mga nakalipas na SONA na ating natunghayan sa mga nagdaang mga Presidente ng bansa.

Unang-una, nababalutan ng pagkasimple ang state event na ito dahil maraming ibinawal.

Unang-una sa ibinawal ay ang pagrampa sa red carpet na dati-rati ay pinakaabangan maliban sa nilalaman ng SONA ng mga Pangulo.

Sa pagkakataong ito, walang pagpapabongga ng pananamit na mangyayari dahil business attire ang iniutos na dapat ay maging kasuotan ng mga dadalo sa SONA ni Pangulong Duterte.

07-24-2016-sonaDahil business attire, asahan na ang mga simpleng kasoutan ng mga mambabatas at kanilang mga panauhin.

Bukod sa pagbabago sa pananamit ay binago rin ang mga pagkaing pagsasalu-saluhan ng mga dadalo sa state event na ito dahil binura sa listahan ang dati ay mamahaling mga pagkain at ipinalit ang mga pagkaing hindi masakit sa bulsa kaya naman nakati­pid daw ang Kongreso na siyang sasagot sa gastusin ng halos P200,000.

Sabagay tama lamang na magpamalas ng kasimplehan ng pagtitipid dahil pondo naman mula sa kaban ng bayan ang ginagastos kaya dapat lamang na matuto ang mga opisyal ng pamahalaan na magtipid upang magamit pa sa ibang mas mahahalagang gastusin ang pondong matitipid dito.

Higit sa lahat ang pagpapairal ng kasimplehan sa maituturing na okasyon ng Pangulo ng bansa ay mag-iiwan sa ating lahat ng maraming leksyon sa pang-araw-araw nating buhay bukod pa siyempre sa mabibigyang-pansin ng lahat ang nilalaman ng buong SONA ng Pangulo dahil walang mang-aagaw ng eksena na mga rarampang mga personalidad na ang hangad lamang ay ibalandra sa taumbayan ang kanilang mamahaling mga kasoutan.