Abante Tonite Interactive

Abante, GMA, DZBB pinakakasuhan ng libel ni Cusi

443

Kinumpirma ng opisina ni Department of Justice (DOJ) Sr. Deputy State Prosecutor Richard Fadullon na nag-endorso sila ng reklamong libel laban sa mga anchor ng DZBB at management nito, GMA News Network, at mga editor at pamunuan ng pahayagang Abante sa mga prosecutor’s office ng Makati at Quezon City.

Nag-ugat umano ang libel charge na natanggap ng DOJ sa reklamo nina Department of Energy Sec. Alfonso Cusi at National Transmission Corporation CEO at President Melvin Matibag na inimbestiga­han ng National Bureau of Investigation.

Kabilang sa libel complaint na isinampa ni Cusi ay ang president, mga officer at management ng GMA News Network at station manager ng DZBB at GNTV.
Sa kaniyang affidavit, sinabi ni Cusi na tinuligsa umano ang kaniyang pagkatao nina DZBB anchors Ali Sotto, Joel Zobel at Arnold Clavio sa blind item segment ng mga ito na nagsasabing isa siyang corrupt government official.

Samantala, sa libel complaint ni Matibag, kabilang sa inireklamo si Abante President Renato Marfil, mga editor at reporter nito.

Nakapaghain na ng counter-affidavit ang mga nireklamo sa Abante at nanindigan silang hindi pasok sa libel ang kanilang nilathala dahil ang mga “requisite elements under Article 355 are absent.”