Abante Tonite Interactive

Abby Binay wagi kay Junjun

627

Makalipas ang mainit na pangangampanya ay iprinoklama na rin ng City Board of Canvassers ng Commission on Elections (Comelec) si incumbent Makati City Mayor Abby Binay.

Batay sa official tally, nakakuha si Mayor Abby ng 179,522 boto laban sa kanyang kapatid na si Junjun Binay na mayroong 98,653 boto.

Dakong alas-nuwebe ng Martes ng umaga prinoklama si Mayor Abby at ang kanyang mister na si Luis Campos na nanalo naman sa pagka-kongresista sa ikalawang distrito ng Makati.

Nakakuha si Campos ng 90,736 boto laban sa katunggaling si King Yabut na mayroon lamang 63,245 boto.

Si Monique Lagdameo naman ang prinoklamang bise alkalde ng Makati na nakakuha ng botong 182,655 laban sa mahigpit niyang katunggali na si Monsour del Rosario na mayroong 105,153 boto.

Samantala, hindi naman pinalad sa kanyang pagtakbo bilang kongresista ng unang distrito ng Makati si dating Vice President Jejomar Binay.

Dakong alas-4:32 ng madaling-araw ng Martes prinoklama ng Comelec si dating Makati City Acting Mayor Romulo `Kid’ Peña na nakakuha ng 71,035 boto.
Tinalo ni Peña ang dating bise presidente na nakakuha ng 65,229 boto. (Armida Rico)