Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Abogada ninakawan ng bagong tsimay

0 40

Arestado ang 23-anyos na kasambahay nang pagnakawan ang amo niyang abogada sa Brgy. Old Balara, Quezon City noong Miyerkoles ng gabi.

Ang biktima ay nakilalang si Marissa Saba, 55, residente ng New Intramuros Village, Brgy. Old Balara.

Agad namang nadakip ang suspek na si Dina Valentino, 23, stay-in house maid, naninirahan sa Brgy. Palanas, Calbayog City.

Sa naantalang report sa Batasan Police Station 6 ng Quezon City Police District, bandang alas-10:50, Enero 12 ng gabi naganap ang sinasabing pagnanakaw ng kasambahay sa tahanan ng abogada sa nasabing barangay.

Batay sa imbestigasyon ni P/Cpl. Joenel Acepcion ng PS-6, patakas na umano ang suspek na may dalang bag nang maharang ng village security guard na si Rene Sebuco.

SM food to go Banner Ad

Agad tinawagan ni Sebuco ang amo ng suspek kaya naman mabilis na nagtungo ang abogada sa exit gate kung saan kinompronta nito ang kasambahay at inutusang buksan ang dalang bag nito.

Nang mabuksan ang bag ay bumungad umano ang mga ninakaw na mga kagamitan, at mahigit kumulang sa P30,000 cash na ninakaw mula sa biktima.

Nabatid na halos dalawang buwan pa lamang naninilbihan bilang kasambahay ang suspek sa biktima.

Inihahanda na ang kasong qualified theft laban kay Valentino. (Dolly Cabreza)

Leave A Reply

Your email address will not be published.