Abante Tonite Interactive

Abono na sina warden

By
19

May nakakuwentuhan akong warden sa isang siyudad sa Norte na huwag na nating pangalanan at isa sa mga napaghuntahan namin ay ang situwasyon nga­yon sa mga selda.

Hindi lang ang pagsikip ng mga kulungan ang idinulot ng kampanya laban sa ilegal na droga ng gobyerno kundi sa kakapusan ngayon ng pagkain ng mga preso lalo na sa mga kulungan na pinatatakbo ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

Noong Disyembre 2016 pa lamang daw, ay maraming warden na ang nag-abono para sa pagkain ng mga preso na hawak nila dahil bigla silang kinapos ng budget dahil hindi nila inasahan ang pagdami ng mga preso dahil sa kampanya laban sa ilegal na droga.

Nangutang daw ang mga warden para lang mapa­kain ang mga preso na may budget na P60 kada ulo. May kumapit daw sa 5-6 lalo na ‘yung walang kakayahang gumastos muna dahil pinangakuan naman sila na irere-imburse ang kanilang gastos.

Hindi ko na ipinagtaka kung kinapos ang mga warden sa budget sa pagkain ng mga preso noong nakaraang taon dahil epektibo na ang 2016 budget nang dumating si Pangulong Rodrigo Duterte noong Hunyo 30, 2016.

Ibig sabihin, ‘yung pagkain para sa kunwari 20 preso sa isang maliit ng bayan ay naka-budget na ‘yun ng buong 2016 pero dahil sa giyera kontra ilegal ‘yung 20 preso naging 80 kaya times four ang iniliit ng kanilang budget sa pagkain.

Epektibo na rin ang 2017 national budget pero dahil sa patuloy na pagdami ng mga preso na sangkot sa ilegal na droga, eh patuloy din ang pagliit ng kanilang budget sa pagkain kaya ang bulung-bulungan daw eh baka sa Agosto 2017 ay kakapusin na naman sa budget sa pagkain ng mga preso.

Ang tanging nakikita lang daw ng mga taga-Manila ay pagsikip ng mga kulungan dahil sa pagdami ng mga preso pero hindi nakikita ‘yung problema sa pagkain ng mga preso.

Sa sistema, ayon sa ating kausap, ang mga kulu­ngan sa mga police stations ay hindi raw ginagastusan ng mga pulis ang pagkain ng kanilang mga preso at dina­dalhan na lang sila ng kanilang mga kaanak ng pagkain.

Pero pagdaing sa mga kulungan na nasa ilalim ng BJMP, obligado ang gobyerno na pakainin ang mga preso dahil hindi naman sila madadalaw madalas ng kanilang mga kaanak tulad ng pagdalaw sa mga nakakulong sa mga police stations.

Tiyak din daw na ganito ang situwasyon sa mga provincial jail na hawak naman ng mga provincial government kaya ang siste ngayon, tumataas na ang inilalaang pondo para sa pagkain ng mga preso.

Dapat siguro bigyan ito ng atensyon ng national government dahil kung hindi, huwag na tayong magtaka na hindi lang namamatay ang mga preso sa mga kulungan dahil nagkakahawaan na ng mga sakit dahil siksikan na nila, kundi namatay din sila sa gutom.

Kasama ang problemang ito sa mga hindi napaghandaan ng gobyerno bago nila inilunsad ang giyera kontra ilegal na droga kaya nagkasanga-sanga ang idinulot na problema.

Sana ‘yung mga problemang ito ay kasama na sa mga pinaghahandaan sa 2018 lalo na’t ginagawa na ang budget proposal para sa susunod na taon, kasama na siyempre ang pagdagdag na mga kulungan dahil magpapatuloy ang giyera kontra ilegal na droga.

(dpa_btaguinod@yahoo.com)