Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Abot kamay na, naunsyami pa

0 138

Tuloy na tuloy ang bilangan ng boto ng National Board of Canvassers (NBOC) sa Kongreso sa kabila ng mga inihaing petisyon sa Korte Suprema.

Ganito ang paniniwala ng mga mambabatas kaugnay sa canvassing ng boto na sisimulan ngayong araw.

Paliwanag ni Senador Franklin Drilon, tungkulin ng Kongreso na iproklama ang Pangulo at Pangalawang Pangulo base sa certificates of canvass na kanilang natanggap mula sa Commission on Elections (Comelec).

May tungkulin nga naman ang NBOC na binubuo ng dalawang kapulungan na magproklama ng nanalong Presidente at Bise president.

Katulad ng pangamba ng ilang mambabatas, naniniwala rin si Drilon na hindi malayong magkaroon ng constitutional crisis kung hindi maipopoproklama ang mga nanalo bago mag-Hunyo 30.

Ang pangamba ng marami sa nakaambang proklamasyon ng mananalong Pangulo at Bise Presidente ay bunsod ng mga petisyong inihain sa Supreme Court na pumipigil sa Kongreso sa pagbibilang ng boto ni presumptive president Ferdinand Marcos Jr.

Abangan natin ang mga kaganapan sa itinakdang canvassing ng boto sa Kongreso. Pero sana ay maging maayos na ang lahat para naman maging tuloy-tuloy na ang pagbangon ng bansa sa ilalim ng bagong liderato.

***

Sa isang banda ay matinding kabiguan ang inabot ng mga nakatutok sa laban ng Gilas at Indonesia matapos na mabigo ang Pilipinas na masungkit ang gintong medalya sa SEAG.

Sa unang pagkakataon kasi sa loob ng mahigit dalawang dekada ay hindi nakuha ng Pilipinas ang gintong medalya sa Southeast Asian Games.

Kinapos ang Gilas Pilipinas laban sa Indonesia, 85-81, nitong Linggo sa 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam kaya nagkasya lamang ang ‘Pinas sa silver medal.

Ang huling pagkatalo ng Pilipinas sa biennial conclave ay noong 1997 nang manalo ang Malaysia, 76-72, sa pagpasok sa final sa Jakarta.

Mula sa kabiguan na iyon, nanalo na ang Pilipinas ng 51 sunod na laro sa SEA Games.

Abot-abot tuloy ang kantiyaw na inabot ng coach ng Gilas na si Chot Reyes na kilala ring kakampink noong panahon ng halalan.

Isinisisi ng ilang netizens ang pagkatalo ng Gilas sa coach nitong si Reyes.

Well hindi naman dapat ibunton ang sisi kay Coach dahil nasa team effort ito, tama nga ba?

Leave A Reply

Your email address will not be published.