Abante Tonite Interactive

Abra, Joanna Ampil nanguna sa 41st Gawad Urian

4,224

Nanguna ang underground hip hop film na ‘Respeto’ laban sa iba pang mga pelikula sa 41st Gawad Urian matapos nitong makakuha ng apat na parangal, kabilang na ang Best Actor para sa rapper na si Abra sa ginanap na gabi ng parangal noong Huwebes (Hunyo 15) sa ABS-CBN Vertis Tent sa Quezon City.

Pinasalamatan ni Abra ang kanyang mga kasamahan sa industriya para sa ta­gumpay ng pelikula. “Hindi ito mabubuo kung wala ‘yung mga kapatid ko sa kultura ng hip hop.” Ito ang kauna-unahang major acting award na natanggap ng actor-rapper.

Abante Hiring – IT dep

Nakuha rin ng ‘Respeto’ ang Best Supporting Actor para kay Dido de la Paz. ang Best Editing para kay Lawrence Ang, at Best Sound para kay Corrine de San Jose.

Iginawad naman ang Best Picture award sa wartime drama na ‘Balangiga: Howling Wilderness’ na iprinodyus nina Achinette Villamor, Edong Canlas, at Khavn.

Tumanggap naman ang musical na ‘Ang Lara­wan’ ng dalawang award, kabilang na ang Best Production Design para kay Gino Gonzales at Best Actress para kay Joanna Ampil. Kinilala rin bilang Best Supporting­ Actress si Odette Khan ng ‘Bar Boys’.

Tinanghal na Best Director si Arnel Barbarona ng ‘Tu Pug Imatuy’ na inalay ang award sa mga Lumad ng Minda­nao. “Ang laban nila ay laban din natin. Kapag nawala ang kanilang lupa, mawawala din ang ating pagkakakilanlan,” pagbabahagi niya sa kanyang acceptance speech.

Bumida sa gabi ng para­ngal ang original Pilipino music (OPM), tampok ang mga awitin mula sa pelikulang ‘Ang Larawan’, na inawit nina Rachel Alejandro at Joanna, ‘Changing Partners’ na kinanta nina Kla­risse de Guzman at Sandino Martin, at ‘Respeto’ sa performance nina Abra at Loonie.

Binuksan din nina Darren Espanto, Jason Dy, at Janine Berdin ang programa sa pamamagitan ng mga OPM performance. Napansin namin na nagbabago na ang boses ni Darren, at may portion sa kanta na nag-flat siya.

Iginawad naman sa musical director, composer, at arranger na si Winston Raval ng Vanishing­ Tribe ang Natatanging Gawad Urian ngayong taon. Nakapaglapat na siya ng musical score sa higit sa 20 pelikula, kabilang na ang ‘Himala’, sa loob ng apat na dekada niya sa industriya.

Nagsilbing host ng Gawad Urian ang mga bida ng ‘Kita Kita’ na sina Empoy Marquez at Alessandra de Rossi kasama si Butch Francisco na miyembro ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino.

Nagtawanan naman sa usapan nina Paolo Bal­lesteros and Meryll Soriano nu’ng maging presenters sila ng Best Actress category.

Sey ni Paolo, “Ladies first.” Nagtawanan sila bago sumagot si Meryll ng, “Sigurado ka?”
Tapos nagbiro ulit si Paolo patungkol sa sarili niya ng, “Ladies again.”

Abangan ang replay ng 41th Gawad Urian sa C­inema One ngayong Sabado (Hunyo 16), 11pm.

Narito ang ilan pang nanalo sa 41st Gawad Urian: Best Screenplay – Christopher Gozum (Dapol Tan Payawan Na Tayug 1931), Best Cinematography – Mycko David (Neomanila), Best Music – Khavn dela Cruz (Balangiga: Howling Wilderness), Best Short Film – Kiri Dalena (Gikan Sa Ngitngit Nga Kinaladman) (From the Dark Depths), Best Documentary­ - Victor Delotavo Tagaro and Toshihiko Uriu (Yield).