Abante Tonite Interactive

ABS-CBN boss tiklop kay Digong

1,100

Mistulang tumiklop ang ABS-CBN kay Pangulong Rodrigo Duterte upang ma­bigyan ng pagkakataon na maisalba ang namimiligrong prangkisa ng Kapamilya network.

Kagabi, personal na nagsalita sa harap ng telebisyon ang pinsan ng bilyonaryong si Gabby Lopez na may-ari ng network giant at dito hayagan niyang inamin ang nagawang pagkakamali ng ABS-CBN Broadcasting Corp. at nakahanda umano silang itama ang mga ito.

Sa kanyang mensahe sa TV Patrol, sinabi ni ABS-CBN president and CEO Carlo Lopez Katigbak, “Kami po ay hindi perpekto. Nagkakamali rin po kami at handa po naming itama ang anumang pagkukulang para sa lalo pang ikabubuti ng aming serbisyo sa Pilipino.”

Gayunman, hindi na nito idinetalye kung ano-ano ang mga sinasabing nagawa nilang pagkakamali. Lantarang inakusan ni Pangulong Duterte ang ABS-CBN sa pagiging bias dahil sa pagkabigo nitong ipalabas ang kanyang campaign ad noong 2016 campaign gayong bayad na ito.

Tiniyak ng pamunuan ng ABS-CBN na susunod sila sa proseso ng batas at iginagalang nila ang kapangyarihan ni Pangulong Duterte, gayundin ang awtoridad ng Kongreso at Senado at higit sa lahat ang saloobin ng bawat Pilipino.

“Sa nakaraang 65 years, naging tapat po kami sa aming misyon na maging In the Service of the Filipino. Sa lahat po ng aming pinaglilingkuran, isang karangalan po na kami’y inyong pinapatuloy sa inyong tahanan. Sana po ang aming mga programa ay nagbibigay ng saya, pag-asa at inspirasyon sa inyo.

Sana po nakatulong sa inyong pamumuhay ang mga serbisyo publiko ng ABS Foundation tulad ng Bantay Bata at Sagip Kapamilya,” pahayag pa ng ABS-CBN president.

Aminado ang Kapamilya network na nasa kamay ng mga kongresista ang kanilang kinabukasan dahil mapapaso ang kanilang prangkisa sa Marso 30, 2020.