Abante Tonite Interactive

ABS-CBN Entertainment gumawa ng record sa YouTube Southeast Asia

By
4,015

Isang makasaysayang pagkilala ang muli na namang natanggap ng ABS-CBN matapos magtala ang entertainment channel nito sa YouTube ng sampung milyong subscribers – ang kauna-unahang channel sa bansa at pangatlo sa Southeast Asia na naabot ang naturang milestone.

Ang ABS-CBN Entertainment ay isa lamang sa tatlong channel sa Southeast Asia na nakakuha ng sampung milyong subscribers sa popular na video-sharing platform, pagkatapos ng Workpoint at GMM Grammy na parehong entertainment companies sa Thailand.

Nakamit ng ABS-CBN ang sampung milyong subscriber nito noong Hunyo 3 matapos ang limang taong pag-a-upload ng program teasers at highlights, ekslusibong interview at performances ng Kapamilya stars, at buong episodes ng Kapamilya teleseryes.

Dahil dito, ginawaran ng YouTube ang ABS-CBN ng Diamond Creator Award, na ibinibigay ng YouTube sa channels na nakakuha na ng sampung milyong subscribers.

“Ang sampung milyon ay hindi lang numero para sa amin; patunay ito na kahit saan mang platform ay tinatangkilik ang iba’t ibang uri ng content na nililikha ng network. Sa pamamagitan ng partnership namin sa YouTube, naaabot namin ang milyon-milyong Kapamilya at nabibigyan sila ng pagkakataong mapanood ang mga video na gusto nila,” sabi ni Elaine Uy-Casipit, ang OIC-head ng digital media division ng ABS-CBN.

“This is a historic milestone not only for ABS-CBN, but for the whole YouTube ecosystem in the Philippines.” pahayag naman ni Gautam Anand, ang managing director ng YouTube Asia Pacific.

Pinapatunayan lamang ng pangunguna ng ABS-CBN sa YouTube na unti-unti nang nagiging isang digital company ang ABS-CBN dahil sa patuloy na paglawak ng online presence nito at pagdami ng digital properties.

Samantala, ang ABS-CBN Entertainment din ang natatanging Pinoy channel na may pinakamaraming views – higit sa 15 bilyon. Kabilang sa top 10 pinakapapinanood nitong videos ang escalator accident mula sa seryeng “Flordeliza,” ang lyric videos ng ABS-CBN Christmas station IDs 2017 at 2014, ang recording music video ng ABS-CBN Christmas station ID 2015, ang ABS-CBN Christmas station ID 2009, at ilan pang trending na mga eksena mula sa “Till I Met You,” “Tubig at Langis,” “Pasion de Amor,” “Dyesebel,” at “All of Me.”

“Kasama ang YouTube bilang partner, nananatili kaming updated at maalam sa mga pangangailangan ng iba’t ibang uri ng audiences, partikular na ng millennials, at nakakagawa kami ng panibago at kakaibang multimedia offerings,” pahayag ng ABS-CBN digital content publishing head na si Richard Reynante.

Sa ngayon, mayroon nang 10.4 milyong subscribers ang ABS-CBN Entertainment channel sa YouTube.