Abante Tonite Interactive

ABS-CBN franchise renewal nilangaw sa Kamara

857

Nilangaw uli sa Kamara ang panukalang franchise renewal ng broadcast giant ABS-CBN nitong nakaraang linggo.

Sa nakaraang pagdinig ng House Committee on Legislative Franchises sa ilalim ni Palawan Cong. Franz ‘Chicoy’ Alvarez, muling na-etsapwera ang franchise renewal application ng Kapamilya network sa kabila ng limang panukalang batas na ­nakasalang para dito.

Mas inuna pang atupagin ng komite ni Alvarez ang prangkisa ng tatlong kumpanya kabilang na ang First United ­Broadcasting Corporation, Lanao del Norte Electric ­Cooperative, Bicol Light at ­Power Corporation (BLPC) sa kabila ng pagtutol ng ilang miyembro ng Franchise panel.

Paliwanag ni ­Alvarez, mas minabuti nilang unahin na i-refer sa plenaryo ng Kamara ang franchise application ng mga nasabing kumpanya bilang pagsunod Section 48 ng House rules.

Pinapahintulutan ng nasabing patakaran na bilisan ang pagtalakay sa mga panukalang lehislasyon na inaprubahan na ng nakalipas ng Kongreso subalit bigong maging ganap na batas.

Bigong umusad ang franchise renewal application ng ABS-CBN sa ilalim ng 17tth Congress, sa likod ng pagbabanta ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibi-veto niya ito kung sakaling makalusot sa dalawang kapulungan ng Kongreso
Mapipilitang magsara o hindi maka-ere ang Kapamilya network kung hindi mare-renew ang kanilang kasalukuyang prangkisa bago sumapit ang Marso 2020. (JC ­Cahinhinan)