Abante Tonite Interactive

ABS-CBN at GMA, tapatan ng studio sa Makati

By
31

SA isang compound (na may malalaking state of the art studios) sa may Makati City noong Friday ay nagkasabay ang taping ng The Lolas’ Beautiful Show at shooting ng Ang Panday.

Mga taga-GMA 7 (at APT Entertainment na siyang producer ng show) ang nasa Red Studio at mga taga-ABS-CBN naman ang nasa Yellow Studio ng nasabing compound.

Sa Red Studio regular na nagte-taping ang bagong morning magazine talk show nina Jose Manalo, Wally Bayola at Paolo Ballesteros (bilang sina Lola Tinidora, Lola Nidora, at Lola Tidora) since Wednesday. Eh, bukas (Monday) ng 11:30 a.m. ang pilot telecast nila sa Kapuso network bago mag-Eat Bulaga).

Sa Yellow Studio naman daw kinukunan ang karamihan ng chroma scenes ng Ang Panday ni Coco Martin at kinontrata nila ‘yon ng isang buwan at walang ibang puwedeng gumamit kahit kadalasan ay Fridays, Saturdays at Sundays lang ang shooting nila roon.

Ang nakita naming nagsu-shooting sa Yellow Studio bukod kay Coco ay si Jake Cuenca at nagpunta rin doon ang beauty queen na si Kylie Verzosa na may script-reading para sa kanyang mga eksena na kinunan naman kahapon.

Ang nasa Red Studio naman bukod sa JoWaPao ay ang mga guest na sina Ruffa Gutierrez, Tessa Prieto-Valdes at Gardo Versoza (hindi naman siguro sila magkamag-anak ni Kylie dahil magkaiba ang spelling ng kanilang surnames, ‘noh?) at kahit magkatabi lang ang dalawang studios ay hindi naman sila nagkita-kita dahil pare-parehong busy sa kani-kanilang mga trabaho roon.

Bongga, pati sa studios, tapatan ang mga taga-Kapuso at Kapamilya networks, huh!

***

Paolo Ballesteros, sa panglalaking CR pa rin umiihi kahit girl na girl na

Nakasabay naman namin sa comfort room ng Red Studio si Paolo. In fairness, kahit naka-Lola Tidora costume si Paolo, sa panglalaking CR pa rin siya gumagamit, no!

Pagkakita sa amin ni Paolo, yumakap siya (walang malisya) sa amin at tsumika-tsika.

Sabi namin kay Paolo, hindi na siya maabot ngayon at ang rich-rich na niya at nakapagpatayo na siya ng kanyang dream house.

“Wala pa rin!” ang dialogue ni Paolo, na natakot yatang harbatan namin dahil rich na rich na siya ngayon. Hahaha!

***

PTV 4, magsu-showbiz na rin

Marami naman ang na-excite sa kuwento ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar na hindi na lang puro news shows ang mapapanood sa PTV4 dahil nagbabalak na rin sila ng variety at showbiz shows!

So, hindi na lang sa ABS-CBN, TV5 at GMA 7 may mapagpipiliang variety at showbiz shows ang mahihilig manood ng telebisyon.

Eh, bago naman kasi naging cabinet secretary si Martin, nanggaling na siya sa Kapuso at Kapatid networks, kaya marami naman talaga siyang alam sa telebisyon, kaya hindi nakakapagtaka na madagdagan ang shows ng PTV 4!

Actually, ‘yung evening news nga ng PTV4 ay nadagdagan na ng viewership simula nang mag-anchor na roon si Erwin Tulfo, na piniling lumipat doon after mag-resign sa TV5.

Siyanga pala, bibilib ka kung gaano ka-well-loved itong si Sec. Martin dahil ‘yung mga dating kasamahan niya sa TV5 na nawala na, sa PTV4 talaga lumipat dahil sa kanya.

Pero ‘yung mga nag-stick naman sa Kapatid network, maririnig mo na puring-puri si Sec. Martin dahil magaling daw makisama.

Sabi nga ni MJ Marfori (na namamayagpag pa rin sa news program ng TV5 bilang showbiz news segment host), kahit cabinet secretary na si Sec. Martin, wala pa rin daw itong kaere-ere.