Abante Tonite Interactive

ABS-CBN nagbabayad ng buwis, walang nilabag na batas — BIR, SEC, DOLE

611

Walang nilalabag na batas ang ABS-CBN network, ayon sa ng Bureau of Internal Revenue (BIR), Securities and Exchange Commission (SEC) at Department of Labor and Employment (DOLE).

Sa ginawang pagdining ng Senate public services committee noong Lunes, sinabi ni Simplicio Cabantac Jr. ng BIR na regular namang nagbabayad ng buwis ang ABS-CBN.

“As far as ABS-CBN account is concerned, they are regularly fi­ling paying taxes in the past number of years,” pahayag ni Cabantac sa komite na pinamumunuan ni Senadora Grace Poe.

Sinabi ng Pangulo ng ABS-CBN na si Carlo Katigbak na hiwalay na binayaran ng kompanya ang P 8.859 bilyon na mga buwis na ipinigil sa mga empleyado nito mula 2009 hanggang 2018.

Sinabi rin ni SEC Commissio­ner Ephyro Luis Amatong na wala silang natanggap ng reklamo laban sa ABS-CBN.

Ayon sa SEC, ang network ay sumusunod sa mga regulasyon, taliwas sa mga paratang na isinampa laban sa kumpanya ng media.

Kinumpirma rin ni Justice Secretary Menardo Guevarra noong Lunes na maaaring pagkalooban ng provisional authority ng National Telecommunications Commission (NTC) ang ABS-CBN upang makapagpatuloy ng ope­rasyon.

Bukod dito, sinabi rin niyang sa ika-4 ng Mayo pa talaga ang expiration ng prangkisa at hindi sa ika-30 ng Marso.

Hindi umano maaaring mag-isyu ng operating permit ang NTC sa ABS-CBN Corporation sa oras na mapaso ang prangkisa nito sa Marso 30, ito ang sinabi ni Senate Minority Leader Franklin Drilon.

Nilinis din ng Department of Labor ang Employment (DOLE) ang network giant sa anumang labor case dahil sa tamang pagpapasuweldo ang kompanya sa mga kawani nito.