Abante Tonite Interactive

ABS-CBN on air hanggang 2022

1,384

Maaari pa umanong makapag-operate ang ABS-CBN hanggang 2022 basta’t may nakabinbin itong panukala para sa pag-extend o pag-renew ng prangkisa nito, ayon kay Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III.

“They can still operate. If it’s not approved March of 2022, that’s the only time that it’s terminated,” pahayag ni Sotto sa panayam ng mga reporter kahapon.

“As long as may naka-file na bill, it is deemed extended. Naka-file eh. It has happened so many times with other franchises,” sabi pa nito.

Nakatakdang mapaso ang prangkisa ng ABS-CBN ng pamil­ya Lopez sa Marso 30, 2020. Hanggang sa ngayon, hindi pa inaaksyunan ng Kamara ang mga inihaing panukala hinggil sa pag-renew ng prangkisa nito sa panibagong 25 taon na giit ng mga fan ng Kapa­milya network.

“Kung talagang ayaw ng Congress na bigyan, i-deny na nila ‘yung franchise. Ayaw pala nilang bigyan eh, i-deny nila ‘di ba?” sabi pa ni Sotto.

Habang nakabinbin sa Kamara ang franchise bill, naghain naman sa Korte Suprema si Solicitor Ge­neral Jose Calida ng quo warranto petition laban sa ABS-CBN at hiniling na bawiin na ang prangkisa nito dahil sa ilang paglabag sa Konstitusyon.

Pero giit ni Sotto, walang kina­laman sa franchise bill ang inihaing petisyon ni Calida.

“The quo warranto is for the old franchise eh. Wala naman (There’s no) quo warranto for the new franchise,” paliwanag nito.

Ang pahayag ni Sotto ay taliwas naman sa pananaw nina Senate Minority Leader Franklin Drilon at Senador Aquilino ‘Koko’ Pimentel.

“No it cannot operate. They need a franchise to operate,” ani Drilon.

“Rule of law kasi dapat may legal basis,” sabi naman ni Pimentel.
Ganito rin ang punto ni Rep. Antonio Albano na kahit na mapaso na ang prangkisa ng ABS-CBN sa Marso 30 ay maaari pa ring ito makapag-operate.

“May I remind the public that even if the ABS-CBN’s franchise expires on the said date on March, it does not mean that ABS-CBN will close completely because the rule of thumb, and I believe this in the committee and we were briefed on this… is that while this 18th Congress is still ongoing, hindi po titigil ang services ng ABS-CBN hanggang po matapos ang 18th Congress,” ayon kay Albano, vice chairman ng Committee on Legislative Franchise.

Dagdag pa ni Albano, makapagpapatuloy pa rin umano ng kanilang operasyon ang TV network dahil nakapagsumite na umano ito ng kanilang application for renewal bago pa ito mapaso bagama’t naka­binbin pa rin sa Kamara.

Sa kasalukuyan ay wala pa ring maibigay na kasiguruhan ang Committee on Legislative Franchise ng Kamara kung kailan didinggin ang resolusyon sa renewal ng prankisa ng Kapamilya network.

Si Rep. Antonio Albano, vice chairman ng komite ay sinabi lamang na aaksiyunan ng komite ang resolusyon ngunit blangko ito kung kailan.
Ang chairman naman ng komite na si Palawan Rep. Franz Alvarez ay ‘missing in action’ o hindi nakikita sa Kamara bukod sa naka-off ang telepono nito.

Iginiit ni Rep. Lito Atienza na kailangan nang pulungin ni Alvarez ang komite sa lalong mada­ling panahon upang hindi maging katawa-tawa ang Kamara bilang isang deliberative body.

Pinayuhan naman ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang ABS-CBN na mag-‘soul s­earching’ para mapag-isipan ang tunay na layunin ng network sa nation building.

Binigyan lamang ng 10 araw ng SC ang ABS-CBN para sagutin ang petisyon ni Calida. (Dindo Matining/ JC Cahinhinan/ Dindo Matining)