Abante Tonite
Mabilis sa Balita

ABS-CBN sibakan 90% sapol

0 605

Nagpasya ang pamunuan ng ABS-CBN na sibakin ang 90% ng kanilang workforce at babawasan naman ng suweldo ang mga empleyado na matitira sa network matapos ibasura ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang aplikasyon nito para sa panibagong prangkisa.

Magaganap ang sibakan, na itinuturing na `ghost month massacre’, sa Agosto 31 ngayong taon, batay sa impormasyong nakalap ng online news site Bilyonaryo (bilyonaryo.com.ph)

Base sa impormasyon, nagpatawag ng pulong ang ABS-CBN nitong Miyerkoles, July 15, para ipabatid sa libu-libo nilang empleyado ang survival plan ng network matapos ipasara noong Mayo 5 nang mapaso ang prangkisa nito.

Pinaliwanag diumano ng management na wala na silang ibang mapagpipilian kundi ang magtanggal ng mga empleyado dahil sa kabiguang maaprubahan ang aplikasyon para sa franchise renewal ng network sa Kamara.

Dahil malabong makabalik sa ere ang ABS-CBN, maliban kung may `friendly administration’ na uupo sa 2022, inamin ng management na hindi kakayanin ng kanilang cable at online operations na mapatakbo ang network.

Ang mga tanggapan umano ng ABS-CBN na mayroong 100 kataong empleyado ay babawasan ng hanggang 10 katao na lamang batay sa retrenchment plan nito.

Inutos na rin sa mga department head at human resources staff ang pag-anunsyo kung sino ang sisibakin at magkano ang matatanggap na retirement at separation benefits.

Sinabihan naman ang mga hindi makakasama sa sibakan na magpapatupad ng malakihang bawas sa kanilang mga suweldo.

Samantala, naglabas din ng pahayag ang ABS-CBN nitong Miyerkoles.

“Dahil sa desisyon ng Kongreso na hindi bigyan ng prangkisa ang ABS-CBN, humantong na ang network sa mahirap at masakit na desisyon na itigil ang operasyon ng ilang negosyo nito at simulan ang proseso ng pagbabawas ng empleyado simula 31 Agosto 2020.

Ginagawa namin ang lahat para maibsan ang sakit na mararamdaman ng mga maaapektuhan, kabilang ang pagbibigay sa kanila ng separation pay na naaayon sa batas at retirement benefits, at mga programang tutulong sa paghahanap nila ng bagong trabaho.

Mahirap na pakawalan ang aming mga Kapamilya sa panahong walang kasiguruhan at puno ng pangamba dahil sa COVID-19, ngunit ito ay isang desisyong kailangan naming gawin. Bagama’t masakit, ito lamang ang paraan upang matiyak pa ang trabaho ng ibang mga Kapamilya.”

Leave A Reply

Your email address will not be published.