Abante Tonite Interactive

ABS-CBN tsugi na kayo!

0 594

Matigas pa rin si Pa­ngulong Rodrigo Duterte sa kanyang pahayag na haharangin nito ang franchise renewal ng ABS-CBN na nakatakdang mag-expire sa Marso 20, 2020.

Ginawa ni Duterte ang pahayag sa oath taking ng mga bagong talagang opis­yal ng gobyerno sa Malacañang.

“Ang inyong franchise mag-end next year. If you are expecting na ma-renew yan, I’m sorry. You’re out. I will see to it that you’re out,” pahayag ng Presidente.

Inakusahan ng Pangulo ang ABS-CBN ng pagsasa­botahe sa kanyang campaign ad noong 2016.

Mas pinaboran umano nitong iere sa kanilang istasyon ang advertisement noon ni dating Senador Antonio Trillanes kung saan tinawag siyang killer.

Nauna rito, tatlong matataas na lider ng ru­ling PDP-Laban sa Kamara de Representante ang sumama na rin sa pa­nawagan para sa re­newal ng legislative franchise ng broadcast giant na ABS-CBN.

Naghain ng House Bill No. 5608 sina PDP-Laban Executive Vice President at Deputy Speaker Aurelio ‘Dong’ Gonzales kasama sina Deputy Spea­kers Johny Pimentel at Salvador ‘Doy’ Leachon na naglalayong payagan ang Kapamilya network na palawigin ng 25 taon ang congressional franchise nito.

Halos 5 buwan na lang ang natitira sa current congressional franchise ng ABS-CBN sa ilalim ng Republic Act No. 7966 na mapapaso sa Marso 2020.

Ang HB 5608 ay pang-anim na panukalang batas na naisampa sa ilalim ng 18th Congress na may kaugnayan sa franchise renewal na nalalagay sa ala­nganin matapos na sabihin ni House Speaker Alan Cayetano na may mga isyu pa dapat talakayin ang Kongreso sa nabanggit na isyu. (Prince Golez/JC Cahinhinan)