Abante Tonite Interactive

Abs-cbn writer namatay sa heat stroke

456

Isang ginang todas din

Hinihinalang dahil sa heat stroke, isang writer ng ABS-CBN at ginang ang namatay sa magkahiwalay na insidente sa Quezon City kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ni P/Captain Juan Mortel, ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD) ang biktima na sina Karl Hanz Apolinario, 28, wri­ter ng ABS-CBN, tubong Aklan at taga-Unit Apollo, Bohol Mansion sa Eugenio Lopez Drive, Brgy. South Triangle, QC; at Rica Pilen Mabulay, 55, taga-69 Sitio Patnubay, Brgy. San Luis, Antipolo Rizal.

Sa pahayag ni John Paul Guan, roommate ni Apolina­rio, ika-5:45 ng umaga (Abril 12) ay nagising siya sa malakas na kalabog at doon ay nakita niyang nakahandusay na sa semento ang nasabing writer ng ABS habang nahihirapan sa paghinga.

Agad umanong humingi ng saklolo si Guan para tumawag sa pinagtatrabahuhan ng biktima.

Mabilis namang dumating ang ABS-CBN rescue team at isinugod sa Capitol Medical Center si Apolinario subalit binawian din ito ng buhay.

Samantala, ayon naman kay Vic Manuel Pungo, 15-anyos, anak ni Mabulay, ika-8:20 ng umaga kahapon, naglalakad umano sila sa Aurora Boulevard corner Edsa T. Square, Brgy., E. Rodriguez, nang biglang bumagsak ang kanyang nanay.

Agad umano siyang nagpasaklolo subalit nang pulsuhan si Mabulay ay wala na itong buhay.

Hinala ng mga awtoridad, dahil sa matinding init na nararanasan ngayon sa Metro Manila, posibleng ‘heat stroke’ ang ikinamatay ng dalawang biktima. (Dolly Cabreza)