Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Abueva, Sangalang bangis ng Magnolia

0 95

Tiwala si Magnolia Hotshots big man Ian Sangalang na mapupunan ni stalwart Calvin Abueva ang dating kakulangan ng koponan papasok para maging maangas ang kampanya ng Pambansang Manok sa 46th Philippine Basketball Association (PBA) Philippine Cup 2021 sa April 9.

Sa nakaraang 2020 import-less conference, kinapos na makasampa sa semifinals ang Magnolia nang yumuko kontra Phoenix Super LPG sa quarterfinals sa Pampanga bubble.

“Si Calvin malaking bagay ngayon samin kasi parang siya ang missing spot sa team. Kung napapansin ninyo, during our past season, mga conference namin, lagi kaming talo sa dulo kasi merong kulang samin,” litanya ng four-time champion sa programang “The Game” ng One Sports nitong Lunes.

Dinugtong ni Sangalang, “Siguro ngayong season, medyo makakasabay kami kasi yung kulang na yon kaya naman siguro ibigay ni Calvin and naniniwala talaga ako kay Calvin na malaki ang maitutulong niya sa amin.”

Trinade ng Fuel Masters ang seven-time All-Star na si Abueva at ang kanilang first round (10th overall) pick kapalit ni veteran guard Chris Banchero, first round (sixth overall) at second-round (18th overall) picks ng Pambansang Manok.

Para naman kay Abueva, bagama’t may nararamdaman na pressure, handa aniya siyang ibigay ang lahat upang muling makakuha ng kampeonato kasama ang Hotshots.

“Super pressured pero sakin kahit saan team ako malipat, I’ll do my best na talagang umangat kami at we need to (win) more championship,” giit ng one-time titlist. “Siguro eto na siguro ang pagkakataon para makakuha ulit ako ng championship.” (Janiel Abby Toralba)

Leave A Reply

Your email address will not be published.