Abante Tonite Interactive

Aby Maraño walang arte, gusto umarte!

798

Ni Myris Lee

STRONG, driven at passionate.

Isang imahe ng tunay na dala­gang Pilipina off and on the court, ‘yan si Aby Maraño.

Mula paglalaro ng volleyball sa kalye hanggang sa pagbitbit ng De La Salle University sa tatlong sunod na UAAP volleyball championships upang tanghalin bilang Most Valuable Player ng dalawang beses, tuloy-tuloy pa rin ang paghataw ni “Tyang Aby” sa playing court bilang miyembro ng F2 Logistics Cargo Movers.

Ngunit sa kabila ng kanyang makulay na karera sa larangan ng volleyball ay ibinunyag nito noong Pebrero na siya ay nakitaan ng sakit na psoriasis.
Wala man lunas ang sakit ay nanatiling positbo at proud sa sarili ang 26-year old volleybelle at mas pinag-iigi pa ang bawat pagsalang sa loob ng court.

Ayon kay Maraño, sandata niya ang pagtangap at pagmamahal ng mga tao sa kanyang paligid partikular na ang nobyong si NorthPort Batang Pier point guard Robert Bolick.

“Greatest achievement ko is ‘yung nakuha kong respect ‘di lang sa fans kundi sa buong volleyball community kaya hindi ako natakot or nahiya about sa psoriasis ko and wala ‘to kaugnayan sa paglalaro ko. Hindi naman ito nakakahawa. Tuloy lang ang laban. Tuloy ang laro,” saad ni Maraño.

Bukod sa paglalaro ng volleyball, abala rin ang Filipino Studies major sa pagtapos ng kanyang Masters Degree sa De La Salle.

Lingid sa kaalaman ng iba, pa­ngarap ni Maraño na maging professor pagdating ng panahon na kailangan na niyang iwan ang mundo ng volleyball.

Ngunit dahil parte na ng buhay ni Maraño ang volleyball ay hanggad na nito ngayon na maging Coach Aby from Tyang Aby ng playing court.

“Plano ko is mag-professor kaya tinatapos ko ‘yung masteral ko para after ng volleyball career ko. Pero ngayon gusto ko na maging coach. Dati ayaw ko kasi parang stressful. Eh na-touch ako ni Coach Ramil kumbaga kung paano niya nabago ‘yung buhay ko, gusto ko maging ganoon din ako sa iba,” sambit nito.

;’Greatest achievement ko is ‘yung nakuha kong respect ‘di lang sa fans kundi sa buong volleyball community kaya hindi ako natakot or nahiya about sa psoriasis ko and wala ‘to kaugnayan sa paglalaro ko.”

Q&A

Abante: Bakit volleyball ang napili mong sports? Ano’ng meron sa volleyball na wala sa ibang sports?

Aby: Gusto ko ‘yung collective effort sa larong ito at the same time napaka-priceless, dito kasi bawat isang puntos paghihirapan mo talaga.

Abante: May iba ka pa ba sports aside from volleyball?

Aby: I played sa mga intramural long jump at sprinting for fun. Ang saya lang kasi ‘yung skills ko na pagtalon sa volleyball, nagagamit ko sa ibang sports at nanalo ako ng gold.

Abante: Kung ‘di ka volleyball player, ano sa tingin mo si Aby ngayon?

Aby: Nasa theatre. Siguro kung ‘di ako napunta sa La Salle for volleyball sigurado nasa UP ako. Mag-aaral ako ng acting.

Abante: May dream ka ba or bucket list na ‘di alam ng marami?

Aby: Bucket list ko makapag-indie film ako kahit isa lang kasi nag-workshop na ako nu’ng bata, nag-workshop din ako under Viva.