Abante Tonite Interactive

Actor-TV host nagkaroon ng karelasyong sobrang inuyat

By
4,556

SA mga live shows ay usung-uso ang pagbibigay ng regalo ng mga tagahanga sa kanilang mga idolo. May nagbibigay ng pagkaing ipinagmamalaki ng kanilang probinsiya, may t-shirt na paboritong isuot ng kanilang idolo, at marami pang ibang regalong makapagpapasaya sa kanilang hinahangaang artista.

May kuwento kami tungkol sa isang sikat na actor-TV host na nagkaroon ng karelasyong sobrang makuwenta. Pinanonood nito ang programa ng actor-TV host para lang bilangin kung ilan at kung anu-anong regalo ang tinatanggap niya mula sa kanyang mga fans.

Bilang na bilang ‘yun ng karelasyon ng sikat na actor-TV host, kapag ibinababa na ang mga regalong tinanggap niya mula sa sasakyan ay di primerang nagbibilang ang kanyang karelasyon, kapag kulang sa bilang ang mga paper bags ay naninita pa ito.

Kuwento ng aming source, “Ang kapal ng face niya, ha? Nanonood talaga siya para bilangin lang ang mga regalong ibinibigay ng mga fans sa actor-TV host? Ano siya, commissioner?

“Kapag kapos sa bilang niya ang mga regalo, e, tatanungin pa niya ang driver kung naiuwi raw ba nila ang lahat ng mga gifts ng mga fans? Soooo, kapal niya talaga!

“E, sobrang generous ng actor-TV host, palabigay sa mga kasamahan niya, kaya natural lang na ang ibang food na ini­reregalo sa kanya ng mga fans, e, isini-share niya sa production staff!

“Bilangin ba ang mga bituin sa langit? Ayun, dahil hindi magkapareho ang ugali nila, e, nagkahiwalay tuloy sila! Isang generous, isang sobrang inuyat, talagang hindi nga sila magkakasundo!” tawa nang tawang kuwento ng aming impormante.

Nand’yan pa rin ang sikat na actor-TV host, patuloy pa rin sa kanyang pagiging heneroso, win na win pa rin siya at lalo pang yumayaman.

Kris walang paki kahit magsandamakmak ang anak ni James

Magkakaroon uli ng kapatid si Bimby. Ilang buwan nang nagdadalantao ngayon si Michela Cazzola. Isang taon pa lang ang kanilang panganay ng sikat na basketbolistang si James Yap ay susundan na agad nila si MJ.

Ang bawat bata ay isang malaking blessing. Mas maganda nga naman na habang bata-bata pa sila ay ma-enjoy na nila ang pagkakaroon ng mga anak, hanggang tatlo ang gustong anak ng basketbolista, babaeng anak naman ang hiling ni Michela na maging pangalawang anak nila ni James.

Natural, dahil si James Yap ang paksa, ay hindi maiiwasang mabanggit ang pangalan ni Kris Aquino. May anak sila, ang lumalaking guwapong si Bimby, kaya pinagpi­pistahan ang pagdadalantao ni Michela Cazzola.

Happy family daw sina James, Michela at MJ, at madadagdagan pa ng mi­yembro ang kanilang pamilya, samantalang si Kris ay loveless pa rin hanggang ngayon.

Aminado naman si Kris na hindi nito prayoridad ang pakikipagrelasyon. Bago ‘yun ay mas gusto naman siyempreng ayusin muna ni Kris ang kanyang career, hindi na biro ang mahigit na dalawang taon na pamamahinga, kailangan nang magbalik-telebisyon ng actress-TV host para hindi ito makalimutan ng publiko.

At matagal na silang hiwalay ni James, magpatung-patong man ang maging anak ng basketball player ay labas na du’n si Kris, ang ta­nging nag-uugnay na lang sa kanila ngayon ay ang kanilang anak na si Bimby.

Ang kailangang ma­ging maayos ay ang ibi­nigay na karapatan ng husgado para madalaw-makasama ni James ang kanyang anak kay Kris, pinagkasunduan nila ‘yun sa korte, kaya kailangang matupad.