Abante Tonite
Mabilis sa Balita

ADB pasimuno sa maruming enerhiya-CEED

0 50

Isinisi ng civil society groups sa Asian Development Bank (ADB) na namumuhunan sa mapanganib at maruruming proyektong pang-enerhiya.

Ayon kay Gerry Arances, Executive Director ng Center for Energy, Ecology, and Development (CEED), dahil sa maluwag na 2009 Energy Policy nito, naging salarin ang ADB sa pagpapakalat ng maruming enerhiya sa Asya.

Giit niya, hindi mapagtatakpan ng anumang dami ng mga proyekto para sa renewable energy ang naging papel ng bangko sa pagpapalaganap ng kasinungalingang posible ang ‘clean coal’ at ang katotohanang kalahati sa installed capacity ng mga proyektong pang-enerhiya ng ADB nitong huling dekada ay para sa karbon at iba pang petrolyo.

Binigyang-diin ni Arances, sa gitna ng lumalalang krisis sa klima at kalidad ng hangin, pagmura ng mga teknolohiya ng renewable energy, at mga pangangailangang pangkalikasan at pang-ekonomiya na nangibabaw ngayong panahon ng COVID-19, panahon na upang mag-’decarbonize’ ang ADB.

“Ngayon mismo ay kailangan nang wakasan ng ADB (Asian Development Bank) ang pamumuhunan sa coal. Bilang na ang oras natin!,” giit naman ni Rayyan Hassan, Executive Director ng NGO Forum on ADB.

Ayon kay Hassan, nirerekomenda ng ADB Independent Evaluation Department (IED) Evaluation sa Energy Policy nito na wakasan na ang coal sa Asia-Pacific.

Aniya, nananawagan ang NGO Forum on ADB na pakinggan ng ADB Board of Directors at Senior Management ang rekomendasyon na ito at mabilisang abandonahin ang anumang proyekto ng coal tungo sa isang ‘just transition’ na aayon sa layunin ng Paris Agreement na limitahan ang pag-init ng daigdig hanggang 1.5°C. Ngayon mismo ay kailangan nang wakasan ng ADB ang coal. Bilang na ang oras natin.

Binigyang-diin ni Hassan, ang pagsabog ng Taal, pagliyab ng mga gubat ng Australia, pagbaha sa Pakistan at Bangladesh, paghagupit ng malalakas na bagyo sa USA ay nangyari sa pitong buwang hinarap ng buong mundo ang COVID-19.

“Kung may panahon man na dapat nang maging responsable ang ADB sa usapin ng klima, ngayon na iyon,” dagdag pa ng Executive Director ng NGO Forum on ADB. (Dolly Cabreza)

Leave A Reply

Your email address will not be published.