Abante Tonite Interactive

Adik nanunog, nang-hostage, nanaksak ng 2 pulis

By
192

Patay ang isang 26-anyos na sinasabing adik habang sugatan naman ang dalawang pulis Maynila na inatake nito matapos niyang sunugin ang isang bahay at tangkaing i-hostage ang mga kaanak nito sa loob ng isang bahay kahapon nang umaga sa Pandacan, Maynila.

Kinilala ng Manila Police District – homicide section ang suspek na si Ranil Christian Baje, ng 2408 Floresca St. Pandacan, Maynila.

Sa inisyal na ulat ng MPD, dakong alas-10:05 nang makatanggap ng tawag si Brgy. Chairman Rene Janda, ng Brgy. 860 Zone 94 sa Pandacan na sinunog umano ng suspek ang isang bahay at tinangka nitong i-hostage ang kanyang tiyuhin, lola at pinsan.

Kaagad namang rumesponde ang mga tauhan ng Beata Police Community Precinct at dito inabutan ang suspek na armado ng patalim.

Tinangka umano nila ni P/Insps. Francis Guevarra at Genesis Aliling na makipagnegosasyon sa suspek para sumuko.

Gayunman, sa halip na sumuko ay inatake nito at pinagsasaksak ang mga nabanggit na pulis dahilan para siya barilin ni Ali­ling.

Isinugod naman sa pagamutan ang suspek pero idineklarang dead-on-arrival.

Sa ngayon ay nasa maayos nang kondisyon ang dalawang pulis.