Abante Tonite Interactive

Adik napikon sa tukso, 5-anyos tinodas sa suntok

By
714

Lumalabas pa ang dugo sa bibig ng isang 5-anyos na batang babae nang matagpuan kahapon ng tanghali ang bangkay nito sa loob ng isang abandonadong pisonet o computer shop sa Baseco Compound, Port Area, Maynila.

Itinuturong suspek sa pagkamatay ng paslit ang kapitbahay nito na si Jerome Emberso, 28-anyos at isa umanong adik sa droga, na inaresto sa follow-up ope­ration ng mga pulis.

Ayon kay Senior Inspector Rommel Anicete, hepe ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-12:30 ng tanghali nang matagpuan ng kanyang tiyahin ang bangkay ng biktimang si Gwendel Constantino na nakahandusay sa lapag ng abandonadong pisonet na katabi lamang ng kanilang bahay.

Putok ang bibig ng paslit at may pasa din ito sa hita nang matagpuan.

Nabatid sa imbestigasyon na dakong alas-otso ng gabi noong Linggo nang hanapin ang biktima ng tiyahing si Amelia Milla pero hindi nito matagpuan ang pamangkin.

Ini-report ito sa kanilang barangay at nakita umano sa closed-circuit television sa lugar na wala namang ibang taong pumapasok sa bahay ng biktima maging sa abandonadong pisonet.

May dalawang buwan na umanong sarado ang pisonet kaya hindi inakala na naroroon lang pala ang biktima.

Kalaunan ay natukoy ang suspek na si Emberso na sinasabing lulong sa shabu. Inamin ng suspek ang krimen pero sinabi nito na hindi niya sinasadyang mapatay ang paslit.

Nabatid na nakikipag-inuman si Emberso sa kanyang mga barkada sa tabi ng pisonet nang mapikon ito dahil sa panunukso umano ng biktima.

Sinuntok ni Emberso ang paslit at sa pag-aakalang nawalan lang ng malay ay ipinasok sa loob ng pisonet kaya walang kamalay-malay ang ibang kapitbahay na may bata sa loob.

Isasailalim sa awtopsiya ang biktima para mala­man kung ginahasa rin ito ng suspek. Duda rin kasi ang mga kaanak ng paslit na baka nilapasta­ngan din ito.

Nakakulong sa MPD-Homicide Section ang suspek at inihahanda na ang kasong murder laban sa kanya.