Abante Tonite Interactive

Aeta at Bembol, tabla sa Best Actor

175

SUCCESSFUL ang katatapos lang na 1st ToFarm Film Festival na binuo ni Dra. Milagros How ng Universal Harvesters, Inc. at ni Direk Maryo J. delos Reyes.

Tinapos ang isang linggong filmfest ng awards night kamakalawa sa Makati Shangri-La Hotel.

Star-studded ang naturang parangal na dinaluhan ng mga respetadong artista kagaya nina Lorna Tolentino, Edu Manzano, Jaclyn Jose at Cherry Pie Picache.

Wagi ang pelikulang Paglipay ni Zig Dulay at ang Pitong Kabang Palay ni Maricel Ca­riaga na isang magsasaka.

Ang Paglipay ang Best Picture kung saan nakuha rin ni Zig ang Best Director trophy.

Kuwento ng buhay at pag-ibig ng isang Aeta ang tinatalakay ng pelikulang Paglipay at totoong Aeta ang kinuha ni direk Zig na bida.

***

Nanalo ang bidang Aeta na si Garry Cabalic kung saan naka-tie niyang Best Actor si Bembol Roco na bida sa pelikulang Pauwi Na.

Nakakatuwa ang kuwento nitong si Garry dahil pagkatapos ng pelikula, balik na siya sa normal na buhay sa Zambales kasama ang kanyang asawa’t mga anak.

Pinapadalo siya sa awards night dahil mananalo siyang Best Actor, pero nagpasabi itong hindi siya makakarating dahil tumataas ang ilog sa kanila, kaya mahihirapan siyang makaluwas ng Maynila.

Ang ginawa ni Dra. How ng Universal Harvester, sinundo niya ito ng helicopter para makadalo sa awarding.

Cherry Pie
Cherry Pie

Nagkaroon siya agad ng Best Actor trophy kahit hindi siya artista.

Mukhang wala siyang balak na ipagpatuloy ang pag-aartista dahil mas gusto niya ang normal na buhay nila sa Zambales. Humingi ng paumanhin si direk Zig sa kanila dahil ginulo ang buhay nila sa Botolan para mabuo ang naturang pelikula.

***

Si Cherry Pie ang Best Actress mula rin sa pelikulang Pauwi Na.

Kitang-kita mo ang sobrang katuwaan niya nang tinanggap ang naturang award dahil ang tagal na raw niyang ‘di gumagawa ng pelikula at ngayon ay nagkaroon pa ng award.

“Parang first time kong tumanggap ng award. It’s been a long time and for me on a personal note it’s very special, kasi, ang tagal kong hindi tumanggap ng pelikula, and this is one of the first.

“It means a lot,” pahayag ng magaling na aktres pagkatapos niyang tanggapin ang Best Actress trophy.

Medyo emotional pa siya sa kanyang acceptance speech dahil inalay pa niya ito sa namayapa niyang ina na nami-miss pa rin niya.

Ngayon ay lalo siyang na-inspire na gumawa ng pelikula kagaya ng Pauwi Na.

***

Masayang in-announce ng festival director na si direk Maryo na extended nang isang linggo ang ToFarm Filmfest.

Jackyln at Maryo
Jackyln at Maryo

Mapapanood pa ang anim na entries sa SM Megamall.

Magsisimula na silang tumanggap ng entries para sa susunod na ToFarm Filmfest.

Pero magkakaroon muna sila ng ToFarm Songwriting Competition na para pa rin sa mga ating mga magsasaka.