Abante Tonite Interactive

Affidavit of paternity

0 197

LET’S CLEAR IT
Atty. Claire Castro

Dear Atty. Claire,
Good morning po, magtatanong lamang po ako kung anong proseso ang dapat kong gawin upang magkaroon ako ng birth certificate. Kasal po ang aking mga magulang ngunit nagkahiwalay po sila nu’ng ako’y anim na buwan pa lamang sa tiyan ng aking nanay.

Nagpunta po ako ng munisipyo, ang sabi po sa’kin sa munisipyo mag-file ako ng affidavit of paternity, nagbayad ako P1,500. Ngunit dalawang taon akong naghintay, ang sabi sa’kin hindi daw naaprubahan. Sana matulungan niyo po ako sa aking problema.

Maraming salamat.
Jean
Ms. Jean,
Kung kasal naman ang nanay at tatay mo ay hindi mo kakaila-nganin ang affidavit of paternity dahil ikaw ay pinanganak nang sila ay kasal na kaya’t tinuturing kang isang lehitimong anak ayon sa ating batas.
Ang tanging gagawin mo ay puntahan ang ospital or midwife na siyang nag-asiste sa nanay mo na manganak. Dapat ay mayroon silang record. Kung wala ay kakailanganin mong magproseso ng late registration ng iyong birth certificate.

Puntahan ang Local Civil Registrar’s Office (LCRO) kung saan ka pinanganak pati na ang Philippine Statistics Authority (dating NSO) at humingi ng certificate na ikaw ay walang record ng kapanganakan.

Kapag ikaw ay may kopya na ay mag-file ka ng late registration ng iyong birth at isama sa application ang mga dokumentong hinihingi tulad ng baptismal records o ibang dokumento ng inyong pagkaka-kilanlan. Ang listahan ng dokumento na dapat na isumite ay makukuha sa LCRO. Huwag kalimutan na isumite rin ang marriage certificate ng nanay at tatay mo para mailagay na ikaw ay isang legitimate na anak.

Kung sila naman ay ikinasal matapos na ikaw ay isilang ay maaari kang mag-file ng Application for Legitimation at ipakita lamang ang marriage certificate nila.

Kung may katanu-ngan pa ay tumawag lamang sa 410-7624 o 922-0245 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com.