Abante Tonite Interactive

African dinukot ng 2 kababayan

134

Nasagip ng mga pulis ang isang negos­yanteng African sa kamay ng dalawang kababayan nito na dumukot sa kanya sa Maynila at dinala sa Laguna noong Valentine’s Day.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Wisdom Obi Tanko, 54, Ghanaian national, at naninirahan sa Cavite.

Aksidenteng nadiskubre ng mga tauhan ng San Pedro City Police ang insidente nang sitahin ng mga enforcer dahil sa traffic violation ang kotseng pag-aari ng biktima na minamaneho ng isa sa mga suspek na kinilalang si Cheady Mayor Ford, 32, Liberian tourist, kasama ang isa pang suspek at kapwa Liberian na si Abrahim Jallor, 26.

Nakita ang biktima na nakagapos ang mga kamay at paa sa loob ng kotse.
Tinangka pa umanong tumakas ng dalawang dayuhan at nang habulin ng mga pulis ay nang-agaw ng baril ang suspek na si Jallor. Nabaril naman ito ng isa sa mga pulis at tinamaan sa tiyan.

Dinala si Jallor sa Perpetual Help Hospital sa Biñan City para malapatan ng lunas samantalang inaresto naman si Ford. (Ronilo Dagos)