Abante Tonite Interactive

Agosto uno: Ang nalimutang kasaysayan

By
243

Ngayong Agosto ay ipinagdiriwang ng bawat Filipino ang Buwan ng Wika na kung saan ay binibigyang-parangal natin ang ating wika.

Sa buong panahon ng ating pag-aaral sa eskuwela, bukod-tanging ang selebrasyon ng buwan o linggo ng wika ang ating pinagdiriwang.

Subalit, mayroon tayong nalili­mutan sa ating kasaysayan. ‘Yan ay ang naganap na Bacoor Assembly noong Agosto 1, 1898, ilang linggo pa lamang matapos ideklara ang ating kalayaan at kauna-unahang winagayway ang bandila ng Pilipinas sa bayan ng Kawit.

Ngunit marami ang nagtatanong: “Ano ang sumunod na mga kaganapan matapos ang Deklarasyon ng Kalayaan noong Hunyo 12? Ano ang nangyari sa Bacoor Assembly noong Agosto uno?”

Noong Hunyo 12, 1898, bagama’t idineklara na ang Kalayaan ng ating bansa, si Hen. Aguinaldo na Pangulo ng Pilipinas noong panahong iyon ay hindi nilagdaan ang kasulatang nagbibigay kalayaan sa Pilipinas dahil nakita niyang may probisyon sa kasulatan na ang ating bansa ay nasa ilalim pa rin ng proteksiyon at pangangalaga ng Estados Unidos. Kaya naman, iniayos pa ni Apolinario Mabini ang kasulatang ito.

Ilang linggo matapos ang Hunyo 12 ay nagtipon ang may dalawang daang presidente municipal ng Cavite, Pampanga, Nueva Ecija, Laguna, Manila, Bulacan, Bataan, Tarlac, Morong, Batangas, Mindoro, Tayabas, Zambales, Pangasinan, La Union at Infanta, upang palitan ang gobyerno mula sa diktadura na naging rebolusyonaryo.

At ang pagtitipon na ito ay tinawag na Bacoor Assembly. Dito opisyal na pinirmahan ni Hen. Aguinaldo ang kasunduang nagpapatibay ng Kalayaan ng ating bansa.

Inorganisa ang pamahalaan sa mga napala­yang lalawigan at bayan; at nagkaroon ng halalan para sa mga presidente municipal na naghalal din ng mga kasapi sa konseho ng mga lalawigan.

Nagkaroon din ng eleksiyon para sa de­legado o kinatawan sa tinatawag na Revolutio­nary Congress. Sang-­ayon sa utak ng katipunan na si Apolinario Mabini, ang Revolutionary Congress na ito ang direktang koneksiyon ni Aguinaldo sa taumbayan.

Ang Bacoor Assembly ay ginanap sa Bahay na Tisa sa Bacoor na kinilala bilang Unang Malacañang ng Republika ng Pilipinas kung saan ay nanirahan si Hen. Emilio Aguinaldo sa panahon na ginawang Revolutionary Government ang pamahalaan ng ating bansa.

Malinaw ang importanteng papel na naiambag ng Bacoor sa kasaysayan ng ating bansa partikular sa ating himagsikan para sa kalayaan
Tunay ngang punong-puno ng kasaysayan at mahahalagang papel sa Kalayaan ng ating bansa ang Lalawigan ng Cavite.

Mayaman tayo sa karanasan at kasanayan sa pagtatanggol at pagmamahal sa ating bayan. Ilang daang taon man ang nakalipas, naniniwala ako na sa bagong henerasyon ngayon, maipagpapatuloy pa rin natin ang nasimulan ng ating mga bayani dahil sa ‘nagkakaisang Cavite, walang imposible!’