Abante Tonite Interactive

Aguilar mabibigatan sa pagkawala ni Slaughter

473

Dahil sa desisyon ni Gregory William ‘Greg’ Slaughter, inaasahan na ni Japeth Paul Aguilar ang mas malaking responsibilidad niya sa Barangay Ginebra para sa pagbubukas sa Marso 8 ng 45th Philippine Basketball Association (PBA) Philippine Cup 2020.

Ngunit asahan naman na magiging handa ang 2019 PBA Governors’ Cup Finals MVP sa magiging role niya sa nalalapit na season.

“Kailangan kong harapin kung ano magiging role ko this coming all-Pinoy conference. May tiwala naman ako sa coaching staff. May pinaplano na siguro sila. Basta kailangan, ready lang. Not only me pero kaming lahat sa team,” ayon kay Aguilar, na nag-average ng 14.73 points, 6.91 rebounds at 1.09 blocks.

Naiintindihan naman ni Japeth ang desisyon ng kanyang partner na si Slaughter, na nakilala bilang ‘Twin Towers’ ng liga.

Saad niya, posibleng may problemang kinakaharap si Slaughter kaya naisip na mamahinga muna sa mundo ng basketball.

“He is probably going through something now. Hindi natin alam. Siya lang nakakaalam. ‘Yon ang naging desisyon niya.”

“Kilala ko naman si Greg. I’m friends with him personally. Whatever he is going through, alam niya kung ano ‘yong mas makakabuti sa kanya,” lahad pa niya. “For sure, mas mahirap.”

Sa ngayon ay nagpapakondisyon na siya bilang pagsubok na masungkit ang kanyang kauna-unahang kampeo­nato sa Philippine Cup.

“So far, everyone is healthy. ‘Yong wind, kailangan pa ma-improve. Hindi pa kondisyon ‘yong iba. Ako hinihi­ngal pa ako sa takbuhan. We have a lot of catching up to do in terms of conditioning at saka ‘yong chemistry namin,” wakas niyang pahayag. (RP)