Abante Tonite Interactive

Aguilar, Slaughter, Ginebra binarahan ang NLEX

0 656

Parehong hindi sinayang ng Ginebra at Magnolia Pambansang Manok ang win-once advantage para agad bumiyahe sa semifinals ng PBA Governors’ Cup.

Tinakbuhan ng Gin Kings ang NLEX mula dulo ng third hanggang fourth quarter tungo sa dambuhalang 111-75 panalo.
Limang tauhan ni coach Tim Cone ang umiskor ng 12 pataas sa pa­ngunguna ng 18 ni Japeth Aguilar na nagbaba pa ng 10 rebounds, may 16 si Greg Slaughter.

Nag-deliver ng triple-double na 13 points, 10 rebounds at 10 assists si Justin Brownlee. Parehong 3 for 5 sa labas ng arc sina Sol Mercado at Jeff Chan na tumapos ng 14 at 12 para sa Ginebra na angat lang 76-62 pagkatapos ng third quarter.

Sinipa ng Hotshots ang Blackwater 103-99 sa first game.

Sumandal ang Magnolia sa triple-double ni Romeo Travis na 18 points, 20 rebounds at 12 assists para muling bumalik sa Final Four.

Sa anim na conference sa ilalim ni coach Chito Victolero, limang beses pumalaot sa semis ang Hotshots.

“It’s nice to be back in the semis,” bungad ni Victolero sa postgame press conference.

Nawala lang ang Magnolia sa semifinals noong nakaraang Commissio­ner’s Cup.

“I told the players before this game to expect a grinding game, that it’s not going to be an easy game because we know Blackwater has proved a lot this conference and it would not go out without one big fight,” dagdag ng coach.

Hindi nga basta bumigay ang Elite, lumamang pa 91-84 sa laro bago naubusan.