Abante Tonite Interactive

AJ, Sotto ‘di naisalba ang B’Gilas bugbog-sarado!

By
0 1,670

Masaklap na kabiguan­ ang sumalubong sa Batang Pilipinas sa asam nitong makatuntong sa kampeonato matapos na malasap ang unang kabiguan sa kamay ng mahigpit na karibal na Australia 43-77 sa semifinals ng FIBA Under 18 Asian Championships sa Studio 29 sa Nonthaburi, Thailand kagabi.

Agad napag-iwanan at hindi man lamang nakatikim ng bentahe ang Batang Gilas matapos na agad maghabol sa pagsisimula ng laro at malimitihan sa tig-walong puntos lamang sa ikalawa at ikatlong yugto upang mabitawan ang tsansa sa korona at mahulog sa labanan para sa ikatlo at ikaapat na puwesto nga­yong araw nang Sabado.

Makakasagupa ng Batang Gilas ang una nitong tinalo na China, na nabigo sa unang isinagawang semifinals kontra sa New Zealand, 87-82, para sa ikatlong puwesto.

Pinalobo pa ng Australia ang abante sa pinakamalaking 41 puntos sa 70-29, may 6:37 pa sa laro.

Tanging si Ariel John Edu lamang ang nasandigan ng Batang Gilas sa itinala nitong team high 9 puntos dagdag pa ang 10 rebounds at 3 blocks.

Sumunod dito si Gerry­ Austin Abadiano na may walong puntos, 1 ­rebound at 2 assist.

Nalimitahan naman si Kai Sotto sa dalawang puntos lamang kahit may 8 rebound at 2 assist.

Una munang itinala ng Australian Emus ang pinakamalaki nitong abante sa pagtatapos ng unang hati sa iskor na 44-20 matapos nitong iwanan­ sa ikalawang yugto sa paghulog ng kabuuang 30 puntos habang nilimitahan lamang ang Batang Gilas sa walong puntos sa loob ng 10 minuto.