Abante Tonite Interactive

Aja!

467

Isa sa pinakamatatandang eskuwelahan sa buong bansa ang Quezon Natio­nal High School (QNHS) sa Lucena City, Quezon. Itinayo ito noong October 1902 at ngayon ngang buwan ay ipinagdiriwang na nito ang ika-117 na pagkakatatag.

Pero bilang isa sa mga pinakamatandang paaralan sa bansa, ano nga ba ang posisyon nito sa labanan ng husay at galing?

Ipinagyayabang ng QNHS na marami itong Special Inte­rest Programs – Special Prog­ram for Science, Technology, and Engineering, Special Prog­ram in Journalism, Special Program for the Arts, Special Program for Sports, Special Education Program, at ang pinakabago nga ay ang Special Program in Fo­reign Language kung saan ang mga estudyante ay nag-aaral ng Korean.

Talaga nga yatang na-invade na ng mga Koreano ang Pilipinas.

Kahit kasi sa public schools, itinuturo na rin ang lengguahe nila.

Kung sabagay, hindi naman maikakaila na pagdating sa fashion at musika, K-pop na K-pop talaga ang karamihan sa kabataan ngayon.

Kung kaya’t hindi rin naging mahirap para sa Department of Education, lalo na sa QNHS na ialok ang special program na ito.

Annyeong Haseyo!

Nag-iisa ang QNHS na public high school sa buong probinsya na nagtuturo ng libreng Korean language sa mga pi­ling Grade 7 students. Sa buong bansa naman, labing-apat pa lang na high schools (anim mula sa NCR at walo naman mula sa Calabarzon) ang mayroon nito.

Ang Korean subject ay isang elective na idinagdag sa regular subjects ng mga mag-aaral tulad ng English, Science, at Math.

Taliwas sa mga kumakalat na fake news, hindi nito papalitan ang Filipino bilang isang asignatura.

Isa si Ian Benedict Ro­xas sa mga gurong nagtuturo ng Korean sa QNHS.

Noong nakaraang taon, nag-aral siya sa Korean Cultural Center sa BGC at nito ngang katatapos na summer, lumipad siya ng Korea para ipagpatuloy ang pag-aaral sa Kyung Hee University.

Ayon kay Ian Sonsaengnim (Korean word na ang ibig sabihin ay teacher), hindi naging madali ang pag-aaral. Para raw siyang nagbalik Grade 1 sa pag-aaral ng pagbasa at pagsulat ng Hangeul (tawag sa writing system ng Korean language).

“The learning process was tiring, as in nakakapagod. Pero exciting.

Everyday, may bago kang ma­tututunan na words at expressions. Then ‘yung experience naman sa Korea, sobrang saya rin. Nag-tour kami alongside with studying,” aniya.

Hashtag Lodi! Hashtag iba rin!

Sa kasalukuyan, mayroon lang 52 na Grade 7 ang nag-aaral ng Korean sa QNHS.
Isa na rito si Kira Elrich Bernado.

Para kay Kira, su­werte siya sa offering na ito kasi bukod sa in demand daw ngayon ang foreign language, libre niya pa itong matututunan.

“Masaya ako sa SPFL-K. Madali kaming matuto kasi bukod sa maganda ang facilities ng school namin, maga­ling din ang mga tea­cher namin. Pang-world class!,” sabi ni Kira.

Tunay ngang kaha­nga-hanga ang progra­mang ito ng Quezon National High School. Sinong magsasabi na kapag matanda na, eh wala ng silbi?

Isa lang ang QNHS sa mga buhay na patunay na habang tumatanda, lalong lumalago, lalong yumayabong.

Pagbati po sa buong Quezon National High School sa pagdiriwang ng inyong ika-117 na pagkakatatag at hangad ko ang inyong tagumpay sa iba’t ibang larangan!

Sabi nga sa Korean, Aja! (with reports from Kurt Nathaniel Baligod)