Abante Tonite Interactive

Akala mo ‘anghel’, ‘yon pala ay ‘lobo’

By
474

Bago lumutang ang isyu kung na-coma o nasa kama lamang si PDu30 nitong nakaraang weekend, naging abala naman ang mga ambisyosong politiko na pumosisyon para sa 2019 midterm ­elections.

Lahat ay nagtutungo ngayon sa Davao City para makipag-alyado sa Hugpong ng Pagbabago (HNP) ni Mayor Sara Duterte. Bagama’t ang HNP ay isa lamang regional party ayon sa mga founder nito, ang mga ‘national party’ ay tiklop-tuhod na yumukod sa HNP para sa ‘pagbabago at serbisyo-publiko.’

Lokohin niyo ang lelong niyo.

Ang PDP-Laban, na gustong saniban nang lahat ng mga ambisyosong pulitiko dahil ito ang partido nagdala kay PDu30 noong 2016 elections ay hindi pa kasama sa HNP. Bago raw makasama sa HNP, resolbahin muna ang paksiyon sa loob ng partido.

***

Hanggang ngayon, namamayagpag pa rin ang ‘traditional politics’ sa bansa. Ang kapangyarihang politikal, nanatili pa rin sa iilang pamilya. At dahil kontrolado ng mga ‘political family’ ang gobyerno, normal lamang na sila rin ang may kontrol sa negosyo at takbo ng pamumuhay ng mga tao.

Ang mga politikong balimbing ay nakasusulasok tulad ng pestisidyo. Peste sa lipunan at pasakit sa mga tao. Ang ambisyosong pulitiko, dahil maraming pera, kahit ‘halimaw at kurakot’, nagmumukhang anghel ngunit isa pa lang lobo.

Ang bagsik ng kanilang lason. Anong lupit kung makapang­unyapit sa puwesto, isasangla ang kaluluwa at puso, makuha lang ang gusto.

***

Ang mga ‘hunyango’, sa lahat ng panahon ay aktibo. Walang ‘lo­yalty’, amo ang lahat basta kikita ng paldo.

Sa Kongreso nakasalang ngayon ang taunang pondo ng gobyerno. Bago himayin ang mahigit sa P3-trilyon na pambansang pondo, nagtalo muna ang mga ‘henyo’. Cash-based ba o obligated ang magiging sistema sa pagpapakawala ng pera ng mga tao?

Gusto ng Malacañang na cash-based sa bawat proyekto. Ang mga ‘henyo’ sa Kamara, obligated ang gusto. Dahil magkasalungat at maho-hostage ang proyekto at serbisyo na kailangan ng mga tao, nagkasundo ang Palasyo at Kongreso na ‘hybrid system’ na lang ang pagpapalabas ng pondo.

Ang pera ng bayan, pinakikialaman ng mga ambisyoso at hungya­ngong politiko. Kaya’t hindi nakapagtataka, maraming proyekto lalo na sa malalayong bayan ang hindi makumpleto dahil sina governor, vice go­vernor congressman, mayor, vice mayor, board member, councilor, chairman at si kagawad ay kumurot sa proyekto.