Abante Tonite Interactive

Aksidente patuloy sa pagsirit

By
24

Naglabas ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Metro Manila Accident Recording and Analysis System ng kanilang la­test road crash statistics report kung saan ay luma­labas na nasa 11,157 ang road accidents ang naitatala sa National Capital Region (NCR) nakaraang taon na kinasasangkutan ng pampasaherong mga jeepney.

Sa nasabing bilang 44 ang may naitalang nasawi, 1,922 ang nagresulta ng pagkasugat at 99,191 insidente ay nauwi sa pagkasira ng mga ari-arian.

Masyadong alarming ang report na ito ng MMDA at sana ay hindi na tumaas pa ngayong taon.

Magsilbing panggising din sana ang report na ito sa mga tsuper ng mga pampa­saherong mga jeepney upang magpatupad ng dobleng pag-iingat.

Hindi natin alam ang karaniwang dahilan ng aksidente pero naniniwala ka­ming may kaugnayan din ito sa mga pumapasadang mga jeepney na luma na kaya maraming trouble na hinaharap habang nasa biyahe.

Ang matindi luma at kakarag-karag na ang karamihan sa mga pumapasadang mga jeepney ay nagsasakay pa ng sangkatutak na pasahero.

Kaya sana ay makita ng mga nasa sektor ng transportasyon ang ulat na ito upang hindi na tutulan o harangin pa ang plano ng pamahalaan na pag-phase-out ng lumang mga pampasaherong mga jeepney.

Makita sana ng nasa sektor ng transportasyon ang kabutihang idudulot sa kanilang pang-araw-araw na pamamasada ang gagawing pagbabawal na ipasada ang lumang mga jeepney.

Ang sa akin, hindi dapat tayo tumututol kung pag-asenso ang kabuntot nitong epekto.

Maliban sa kaginhawahan sa bulsang dulot ng paggamit ng mga bagong pampasaherong mga jeepney ay malaking tulong din ang magagawa nito para maiwasan na ang aksidente at higit sa lahat ay makakatulong ito para mabawasan na ang usok na ibinubuga ng mga lumang pampasaherong mga jeepney.

Pero sana maliban sa mga pampasaherong jeepney ay ipagbawal na rin ang paggamit ng mga pribadong mga sasakyang na luma at sira-sira dahil masyadong mapanganib ang mga ito sa kalsada.

Kung maghihigpit tayo sa mga pampublikong lumang mga sasakyan bakit hindi rin ito ipatupad sa mga pribadong sasakyan na ginagamit minsan na pampersonal habang ang iba ay ginagamit na pang-deliver ng kung anu-anong produkto gayong napaka­delikado na sa kalsada.