Abante Tonite Interactive

Aksidente sa LRT

213

Dear Abante Tonite,
Hindi ko po maiwasang mag-alala sa nangyaring aksidente sa Light Rail Transit lalo pa at paminsan-minsan ay sumasakay din ako dito.

Hindi ko akalaing magbabanggaan pa ang dalawang tren samantalang wala namang traffic sa riles ng LRT. Ang masasabi ko dito ay maituturing na pinakaligtas na daanan ang riles ng LRT hindi kagaya sa mga ordinaryong lansangan na talaga namang matrapik at marami pa ang pasaway na motorista.

Ang tanong ko lang po ay hindi ba nagsagawa sila ng maintenance at repair sa mga mass transit sa Metro Manila noong Semana Santa? Bakit nagkaganito, nagkaroon agad ng aberya? Hindi lang simpleng aberya ang nangyari dahil mayroong mga nasaktan na pasahero sa pagbabanggaan ng dalawang tren ng LRT.

Kahit sabihin pang balik na sa normal ang kanilang operasyon dapat ay malapatan ito ng kaukulang aksyon ng mga nagpapatakbo sa LRT. Buhay ng mga taong nagtitiwala sa kanilang serbisyo ang nakataya kapag may nangyaring malaking sakuna sa LRT o mga katulad pa nitong uri ng transportasyon kaya dapat ayusin nila ang operasyon.

Maraming salamat po.
Ramil ng Cavite