Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Aktibong COVID record high sa 208K

0 50

Pumalo sa record high na 208,164 ang mga aktibong kaso ng COVID-19 na naitala ng Department of Health (DOH) hanggang alas-kuwatro ng hapon kahapon, Enero 12, sa buong Pilipinas.

Ang naturang bilang ay 6.8 porsiyento ng kabuuang 3,058,634 pasyente na tinamaan ng coronavirus sa bansa base sa datos ng DOH.

Sa mga aktibong kaso, nasa 197,091 ang mild; 6,435 ang asymptomatic; 2,872 ang moderate; 1,468 ang severe; at 298 ang kritikal.

Habang nakapagtala naman ang DOH ng 5,063 pasyente na gumaling sa virus kung kaya’t umabot na sa 2,797,816 ang kabuuang bilang ng mga indibiduwal na nakarekober matapos dapuan ng virus o 91.5 porsiyento ng total cases.

Nasa 144 pasyente naman ang nadagdag sa mga nasawi kaya umakyat sa 52,654 ang kabuuang bilang ng mga namatay dahil sa COVID o 1.72 porsiyento lamang ng total cases.

COVID sumisipa sa labas ng NCR

SM SuperKidsDay Banner Ad

Wala pa umanong nakikitang indikasyon si Health Secretary Francisco Duque III ng pababa sa mga kaso ng COVID sa bansa.

Sa isang forum kahapon, sinabi ni Duque na sa kabila na nakapagtala nang bahagyang pagbaba ng mga bagong kaso noong Martes, hindi aniya ito nangangahulugan na nalampasan na ng bansa ang `peak’ ng COVID sirit.

“Premature, kaya lang naman mababa ‘yan tandaan natin galing ‘yan sa Sunday testing output. Usually Sunday mababa and testing output, `yong iba sarado and of course `yong iba maraming nag-isolate dahil may symptoms, `yong iba na-quarantine dahil na-expose so this is not an indication that the peak is over,” paliwanag ni Duque.

“We might still be in the acceleration phase of our surge but we pray, we are doing our best to hopefully contain this the soonest possible time and then mag-decelerate na kaagad, like what happened in South Africa, mabilis tumaas, mabilis bumaba,” dagdag ni Duque.

Sinabi pa nito na nagkakaroon na rin ng pagtaas ng mga tinamaan ng COVID sa labas ng National Capital Region at tinukoy ni Duque sa Ilocos region, Cagayan Valley, Central Luzon at Calabarzon.

Binigyan-diin pa ni Duque na posibleng ang pagtaas ng mga bagong kaso COVID sa ibang rehiyon ay dulot na rin ng mas nakahahawang Omicron variant subalit maaari rin aniyang sanhi ito ng katatapos lang na holiday season. (Juliet de Loza-Cudia)

Leave A Reply

Your email address will not be published.