Abante Tonite Interactive

Aktor ayaw magbigay-respeto sa mga biyenang hilaw

671

Nakahinga na pala nang maluwag ang mismong pamilya ng isang young female singer-actress nang magkahiwalay sila ng kanyang boyfriend na aktor.

Kahit ang kanyang mga kaibigan ay ganu’n din ang naramdaman.

Matagal nang umiikot ang kuwento tungkol sa hindi kagandahang ugali ng male personality, may kayabangan ito, ni hindi nagbibigay-pugay sa mga magulang ng magandang singer-actress.

Kuwento ng isang source, “Kunwari, lalabas sila, sinusundo niya naman ang girl, pero hindi siya pumapasok sa bahay ng girlfriend niya para man lang magbigay ng respeto sa parents niya.

“Ganu’n siya, may kayabangan ang l­alaking ‘yun! Feeling-sikat na siya, parang napakalaking kabawasan na sa buhay niya ang bumaba muna ng kotse niya, pumasok sa bahay ng girl, saka bumati at magbigay-respeto sa mga biyenan niyang hilaw!” madiing komento ng aming impormante.

Kahit ang mga katrabaho at kaibigan ng singer-actress ay hindi boto sa male personality. Talaga kasing masyado itong feeling.

Kuwento uli ng aming source, “Nu’ng malaman ng mga friends niya na tapos na sila nu’ng guy, e, kulang na lang na mag-fiesta ang grupo!

“Gusto nilang mag-celebrate, hindi kasi nila gusto ang l­alaking ‘yun para sa napa-kabait nilang friend. Mayabang ang guy, akala mo kung sino siya, e, wala pa naman siyang napapatunayan!” inis pa ring sabi ng a­ming source.

Masakit pero nakapag-move-on na ang young singer-actress, nakahinga na rin siya nang maluwag dahil nagkahiwaly na sila ng aktor na walang pakialam sa career niya, puro pansariling interes lang ang pinaiiral.

“Naku, napakamainipin ng lalaking ‘yun! Kahit alam niyang may trabaho pa ang girl, e, wala siyang pakialam! Ayaw niyang naghihintay, mainipin siya, palibhasa, e, sarili lang niya ang mahal niya!” pagtatapos ng

napapailing naming source.

Liza sayang pa rin sa ‘Darna’

Meron nang bagong nagmamay-ari ng bato ni Darna. Maganda si Jane de Leon, mahusay gu-malaw, magaling din siyang umarte kaya tama lang ang pagpili sa kanya para gumanap na bagong Darna.

Nakakatawa ang pagkakasabi ng isang kaibigan namin nang ma-laman nitong si Jane de Leon na ang bagong Darna, ang kan­yang sabi, “Si Jane de Leon pala ‘yung gumanap na sister ni Echo sa Halik!

“Siya ‘yung palaging kakontra ni Yam Concepcion, ‘yung ang partner niya, e, ‘yung young actor na hindi marunong umarte! Di ba, parang tuod kung umarte ‘yung Gab Lagman?” diretsong sabi ng aming kausap.

Miyembro ng GirlTrends ng It’s Showtime si Jane de Leon, hindi namin mas-yadong napansin ang role niya sa La Luna Sangre, pero nagmarka siya sa amin bilang kapatid ni Jericho Rosales sa Halik.

Pinaghahandaan na ngayon ng dalaga ang napakagandang oportunidad na dumating sa kanyang career. Napakaraming nag-audition para sa pelikula, pero siya ang napili, napakasuwerte naman talaga ni Jane de Leon.

Ang orihinal na Darna, si Liza Soberano, ay nagpapagaling pa ng inoperahan nitong index finger sa Amerika. Apat na operasyon ang pinagdaanan ng magandang aktres.

Nakapanghihinayang naman talaga ang nawalang pagkakataon para kay Liza Soberano, pero talagang ganu’n, kapag hindi ukol ay hindi bubukol.
Sabi nga ng kanyang manager na si Ogie Diaz, “Mas hindi naman siguro maganda na kapag sisigaw si Liza ng Darna para kunin ang bato kay Ding, e, nakaganyan ang hintuturo niya!”

Ginawa ‘yun ni Ogie na nakataas ang kanyang kamay, naninigas ang kanyang hintuturo, dahil ‘yun nga ang naging malaking problema ng kanyang alagang si Liza Soberano.
Ha! Ha! Ha! Ha!