Abante Tonite Interactive

Aktor mas maarte sa leading lady

1,276

tonite-no-thanks-cristy-ferminBakit nga kaya ayaw mabaklas-baklas sa katawan at imahe ng isang kilalang male personality ang kaartehan? Kapag pinag-uusapan na ang kaartehan ay ang pangalan ng lalaking personalidad na agad ang pumapasok sa usapan.

May ibang pa­ngalang nababanggit, pero kakaiba ang mga kuwento tungkol sa kanya, pinatutunayan ‘yun ng mga nakatrabaho na niya at nakakatrabaho pa rin hanggang ngayon.

Kuwento ng isang source, “Mas maarte pa nga siya kesa sa lea­ding lady niya. Kumpleto siya sa mga kagamitan para sa mga se­remonyas sa katawan niya.

“Siya ‘yung male personality na ayaw gumagamit ng sponge ng make-up artist, may sarili siyang baon, tama rin naman ‘yun para sa personal hygiene niya.

“Siya rin ang male personality na may PA na halos makuba na sa kadadala ng mga bagahe niya. Taping lang kasi ang pupuntahan niya, pero parang three months na siyang magbibiyahe papunta sa ibang bansa sa dami ng kanyang mga dala-dala sa set.

“Para na siyang maglilipat-bahay sa dami ng mga bagahe niya, kumpleto ‘yun, mula sa mga damit at sapatos niya hanggang sa make-up at mga ordinaryong kagamitan na kakaila­nganin niya sa location,” simulang kuwento ng aming source.

Matindi ang pagpapahalaga ng male persona­lity sa kanyang personal hygiene. Ingat na ingat siya, kaya naman tingnan niyo man sa microscope ang kanyang kutis ay napakakinis, mala-porselana.

“Marami siyang ginagawang seremonyas bago humarap sa mga camera. Kailangang napakalinis ng kanyang mga ngipin,­ ‘yung walang kahit anong dumi, nagtatagal siya sa harap ng salamin sa katititig lang sa mga ngipin niya kung tala­gang malinis na ba.

“Kumpleto rin siya sa pang-manicure, maru­nong siyang maglinis ng mga kuko niya, kaya super linis talaga ang mga fingernails niya. Pati ang toenails niya, malinis din, wala ka talagang maipi­pintas sa kanya.
“Nakakahiya ngang lumapit sa kanya, para kang isang malaking dumi kapag katabi mo na siya! Very vain siya, super!” pagtatapos ng ­aming impormante.

***

KathNiel walang milagrong ginagawa

Ngayon na huhusgahan ang pinakahuling tambalan ng Kath­Niel. Siguradong kani-kanyang puntahan na sa mga sinehan ang mga tagasuporta nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo para mapanood ang ‘The Hows Of Us’.

Kung ang mga mall show ng loveteam ang gagawing barometro kung gaano magiging katagumpay ang pelikula ay pasok na pasok na ito, pipilahan ang kanilang proyekto, milyones ang iaakyat nila sa kaban ng yaman ng ABS-CBN at Star Cinema.

Sa trailer pa lang ng ‘The Hows Of Us’ ay ramdam na nang malalim ang kuwento, nagpaalam na sila sa mga pakilig na eksena, pero siyempre’y sangkap pa rin ang kilig ng pagmamahalan nila na inaabangan ng kanilang mga tagasuporta.

Sa tunay na buhay ay alagang-alaga ni DJ si Kath. Hindi niya naman ikinukulong ang dalaga, hindi lang siya makapapayag na hindi maayos si Kath bago sila maghiwalay, hatid-sundo ng guwapong binata ang kanyang girlfriend.

Kilalang-kilala pa naman ang mga Padilla sa atake kung paano sila magmahal. Kuhang-kuha ‘yun ni Daniel, parang prinsesa kung ituring niya si Kathryn, walang puwedeng makapanakit sa dalaga hanggang nand’yan siya.

Walang tinutukoy na loveteam, wala ring halong malisya, pero ang komento ng kaibigan naming propesor ay parang ang KathNiel na lang ang wala pang milagrong ginagawa ngayon.

“Basta, feel ko lang na maayos silang magdala ng relasyon. Ramdam mo na nasa gitna nila ang respetuhan. Nagmamahalan sila, pero alam mong nasa lugar ‘yun.

“Alam nila ang pinapasok nila, alam nila na sa panahon ngayon, e, nahuhuli na sila sa uso, pero ‘yun ang malakas na magnet nila sa publiko,” kaswalang komento ni prop.