Abante Tonite Interactive

Aktor na manok ng executive nganga

By
3,024

tonite-no-thanks-cristy-ferminTumawag sa amin ng isang source nu’ng isang gabi. Meron itong naalala tungkol sa isang tisoy na aktor na maganda ang takbo ng career ngayon. Maraming ginagawang programa ngayon sa isang network ang guwapong aktor.

Biglang naalala ng aming source na nu’ng sumali sa isang pa-contest ng isang show ng nasabing network ang tisoy na aktor ay gustung-gusto siyang ilaglag ng mga namamahala sa programa.

Meron kasing minamanok ang mga ehekutibo ng network, pero hindi ito nanalo, ang tisuying aktor ang nakakuha ng titulo.

Kuwento ng aming source, “Malayo ang numero nila nu’ng gustong ipanalo ng mga namamahala ng show kesa sa kanya.

Milya-milya ang layo. Guwapo rin naman ‘yung kalaban niya, pero pagda­ting sa talent portion, magaling si tisoy.

“Natural, panalo siya sa botohan ng mga judges, malayo ang ungos niya sa gustong ipanalo ng mga executives, pero pilit nilang ginagawa ng paraan na ang manok nila ang manalo.

“Nakiusap sila sa mga hurado, pero napahiya sila, hindi nila naipanalo ang matangkad na bagito at ito ngang si tisoy ang nakakuha ng title.

“Meron kasing gusto du’n sa matangkad na contestant ang isang gay na namamahala sa laban. Kaso, paano naman mananalo ‘yun, e, kaguwapuhan lang at height ang meron siya?

“Pagdating sa question ang answer portion, e, nganga ang gusto nilang manalo, walang talent, wala talagang bitbit na kahit ano sa contest. Wala na silang nagawa, olats ang minamanok nila,” k­uwento ng pag-alala ng aming impormante.

Tamang choice dahil naluto na sa pag-arte ang tisoy na nakakuha ng titulo, puwede na siyang isabak sa kahit anong role, pero nasaan na nga ba ‘yung kalahok na minanok ng mga ehekutibo?

“Waley! Nawala na lang siyang parang bula! At mas nakilala pa ang isang kadugo niya, ha? Nawala man sa paligid ang matangkad na aktor-aktoran, may pumalit naman sa kanya na magaling nang umarte, e, guwapo pa niyang utol!” pagtatapos ng aming source.

Hiling ni Robin tutuparin nina Kylie-Aljur

Wala nang mahihiling pa ngayon si Robin Padilla. Pagkatapos ng birthday ng kanyang apong si Alas ay tututukan na nina Kylie at Aljur Abrenica ang kanilang pagpapakasal.

Wala pang petsa, pero simpleng kasal lang ang gusto ng magkarelasyon, isang mahalagang pagtitipon kung saan magkakasama-sama ang kanilang mga pa­milya­.

Sinubok ng panahon ang relasyon nina Aljur at Kylie, minsan na silang nagkahiwalay nang matagal-tagal ding panahon, pero dahil mahal nila ang isa’t isa ay sa pagbabalikan pa rin ‘yun nauwi.

Walang problema sa pamilya ng aktor, mahal nila si Kylie, alam nina Daddy Jojo at Mommy Amor pati ng kanilang mga anak na si Kylie ang buhay ni Aljur.

Kasal lang naman ang hinihingi ni Robin, kailangang panindigan ni Aljur ang kanilang relasyon ni Kylie, lalo na’t meron nang Alas sa kanilang pagmamahalan.

‘Yun lang, wala nang ibang hiling ang action star, kundi ang ihatid sa altar ng manugang nitong hilaw ang kanyang anak.

Kahit panahon na ng mga milenyal na pasable na ang live-in, para kay Robin ay napakasagrado pa rin ng kasal, makaluma pa rin ang kanyang pananaw na tama lang naman.

Responsableng ama si Aljur, nagsisikap na ma­buti ang aktor para sa kinabukasan ng kanyang mag-ina, puro para kina Kylie at Alas ang atensiyon at pangarap ni Aljur.

Nakapagpundar na siya ng bahay, suwerte namang hindi siya nawawalan ng trabaho ngayon, kaya puwedeng-puwede na niyang tugunan ang kaisa-isang hiling ni Robin Padilla.