Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Aktor nagka-amnesia sa milyon na utang

0 328

Malalapit na kaibigan ng isang sikat na male personality ang nagkukuwentuhan tungkol sa isa pang lalaking personalidad na ayon sa grupo ay maagang tinamaan ng pagkaulyanin.

Ilan taon na ang nakararaan ay palaging matindi ang pangangailangan ni Actor B, kung saan niya ginagamit ang perang nauutang niya ay walang nakakaalam, pero ang idinadahilan niya palagi ay ang mga proyektong kailangan niyang mamuhunan.

Isa si Actor A sa kanyang nilapitan, hindi nagdalawang-isip ang hiningan niya ng tulong, milyon ang inutang niya.

Kuwento ng isang kaibigan ni Actor A, “Okey lang naman kung hindi pa niya kayang ibalik ang amount na inutang niya, maiintindihan naman ‘yun ng pinagkakautangan niya.

“Una, hindi naman kailangang-kailangan ‘yun ng inutangan niya, ‘yung tao pa ngang ‘yun ang namimigay ng biyaya, pero ‘yung ni hindi man lang siya nangungumusta sa taong inabala niya, e, ibang usapan na,” umpisang kuwento ng kaibigan ni Actor A.

Napakatagal na ng pagkakautang ni Actor B sa sikat na male personality, pero mula nang makuha niya ang pera, ni minsan ay hindi man lang niya kinumusta ang taong nagtiwala sa kanya.

Isa pang kaibigan ni Actor A ang nagsabi, “Ano ba namang klaseng tao ‘yun? Matapos niyang makuha ang gusto niya, e, basta ganu’n na lang? Ano ba namang mangumusta man lang siya?

“Milyon ang utang niya, hindi naman barya-barya lang, pero parang tinamaan na siya ng amnesia! Napakabata niya namang naging ulyanin!

“Hindi ba siya nahihiya? Pinagkatiwalaan siya ng inutangan niya, nangako siyang magbabayad din agad-agad, tapos, e, deadma na lang siya mula nu’ng makuha na niya ang perang kailangang-kailangan niya?

“E, palagi naman siyang may trabaho, kumikita naman siya, pero bakit parang kinalimutan na niya ang obligasyon niya du’n sa sikat na male personality?

“Mangumusta man lang sana siya, tutukan niya naman ang pagkakautang niya!” naiinis na pagtatapos ng aming impormante.

Jodi , Raymart tanggap ang relasyon

Positibo ang pagtanggap ng marami sa kumpirmado nang relasyon nina Raymart Santiago at Jodi Sta. Maria. Maraming maligaya para sa kanila.

Malaki ang naitulong du’n ng kanilang imaheng hindi palasalita. Hindi naman sila nagdadamot, pero hindi nila ginagawang circus ang kanilang pakikipagrelasyon, puro ngiti lang ang iginaganti nila sa mga nagtatanong sa kanila.

Oo nga’t pareho pa silang may bitbit na bagahe sa kanilang balikat tungkol sa mga nakaraan nilang estado bilang kasal ay maliwanag namang wala silang karelasyon bago nabuo ang kanilang pagmamahalan.

Hindi palasalita si Raymart Santiago, sunud-sunod na suntok ang inabot niya nang mawasak ang kanilang relasyon ni Claudine Barretto, pero ang kanyang abogado lang ang palaging nagsasalita.

Bihirang-bihira siyang magbigay ng pahayag, paminsan-minsan na nga lang ay napakaigsi pa, ‘yun ang tatak ng magkakapatid na Santiago pagdating sa mga usaping personal.

Ilang panahon nang maayos naman ang kanilang samahan ni Claudine, libreng nahihiram ni Raymart ang kanilang mga anak, siya rin ang sumasagot sa lahat ng mga pangangailangan nina Sabina at Santino.

Positibo rin ang imahe ni Jodi Sta. Maria, maayos ang kanilang relasyon ni Pampi Lacson, biniyayaan sila ng isang anak (Thirdy) na malapit din sa kasalukuyang karelasyon ng ama nitong si Iwa Moto.

Walang aksidente sa buhay na ito, lahat ng nagaganap ay nakadestinong mangyari talaga, tulad ng pagtatagpo ng mga puso nina Raymart at Jodi.

At napakaraming maligaya para sa kanilang dalawa at humihiling na sana’y maging sila na talaga habambuhay.

Sabi ng kaibigan naming propesor, “Maiayos na sana nila ang legal aspect ng kanilang personal na buhay para mauwi na sa altar ang pagmamahalan nila.”

Oo nga naman.

Leave A Reply

Your email address will not be published.