Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Aktor palabigasan ng mga kapatid

0 745

Maraming naaawa sa isang male personality na sa napakaagang edad ay tumayo nang poste ng kanilang pamilya. Halos hindi na na-enjoy ng aktor ang kanyang pagiging teenager dahil puro pagtatrabaho na ang kanyang inatupag.

Wala na siyang panahon para sa kanyang sarili, gusto rin niyang maglibang-libang pagkatapos niyang magtrabaho, pero ipinagpapahinga niya na lang ‘yun dahil kinabukasan ay para na naman siyang kalabaw na sasalang sa trabaho.

Sabi ng aming source, “Napakabait ng batang ‘yun, talagang pamilya niya ang priority niya, panghuli na lang ang sarili niya. Siya kasi ang inaasahan ng mga kapatid niya.

“Puwede namang magsipagtrabo ang mga utol niya, pero nasanay nang naghihintay na lang ng rasyon, napakasaklap!” umpisang kuwento ng aming impormante.

Hindi naman piyesta araw-araw, may mga pagkakataong matumal din ang trabaho para sa male personality, ‘yun ang talagang matinding pinoproblema niya.

Balik-kuwento ng aming source, “Tulad ngayon, matinding problema ang kinakaharap natin. Wala pang mga bagong trabaho sa network kung saan siya nagseserbisyo.

“Maraming plano ang network, kasali siya sa ibang projects, pero hindi pa rin sila makapag-umpisa. Pinag-aaralan muna siyempre ng istasyon nila kung ano ang mga dapat gawin ngayong pandemya!

“Matinding pinoproblema ng male personality ang kabuhayan nilang mag-anak. Paano na nga naman ang mga bibig na sa kanya lang umaasa? Ngayong hindi kagandahan ang takbo ng career niya, paano na sila?

“Actually, masinsinan na siyang kinausap nu’n ng mga kaibigan niya, e. Bakit kasi pinamihasa niya ang pamilya niya na basta umasa na lang sa kanya.

“E, mas malaki pa nga ang katawan ng mga kapatid niya kesa sa kanya, ah? Bakit hindi sila magtrabaho? Bakit kailangang umasa na lang sila sa kapatid nilang halos wala nang pahinga sa katatrabaho?

“Nakakaawa naman siya, sa totoo lang, dahil ginagawa na lang siyang palabigasan ng mga kapatid niya!” naiinis na pagtatapos ng aming source.

Kris naudlot sa TV5

Hindi nanununog at nangunguryente ang impormanteng naghatid sa amin ng balita na hindi matutuloy sa TV5 ang pagsasahimpapawid ng bagong talk show ni Kris Aquino.

Totoong nagsadya na sa network ang ilang staff ni Kris para bisitahin ang mga studio, naglatag na rin ang kanyang grupo ng kanilang kagustuhang sa TV5 nila gustong bumili ng oras para sa talk show, pero habang kausap namin ang source ay sinabi nitong hindi pumayag ang network.

Walang detalyeng inisa-isa sa amin ang source, basta ang maliwanag ay hindi pumayag ang TV5 na mag-blocktime ang produksiyon ni Kris sa istasyong pag-aari ni Mr. Manny V. Pangilinan, hanggang du’n lang ang kanyang sinabi.

Kalat na kalat na sa social media na sa July 25 na ang pagsisimula ng programa ni Kris, TV5 ang nababanggit na istasyon kung saan siya muling mapapanood, pero hindi naman pala sila binigyan ng pagkakataon ng network.

Duda ng isa pa naming source, “Parang magkapareho lang ang dahilan ng GMA-7 at ng TV5 sa hindi pagtanggap sa show ni Kris.

“Tinulungan siya nu’n ni Willie Revillame na makapasok sa GMA-7, pero hindi ‘yun natuloy, may sinabi kay Willie ang mga executives na nirespeto naman niya.”

Kung ano ang mas malalim na dahilan ng hindi pagkatuloy ng pag-uusap ng mga ehekutibbo ng TV5 at ng produksiyon ni Kris Aquino ay hindi pa malinaw sa amin habang sinusulat namin ang kolum na ito.

Leave A Reply

Your email address will not be published.